PATAY ang 30-anyos mister matapos gantihan ng saksak ng kinakasamang guest relations officer (GRO), makaraang gulpihin at pagpapaluin ng kaldero, sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Dead on arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Benigno de Pedro, 30, ng Phase 1, Package 13, Block 31, Lot 23, Brgy. 176 ng nasabing lungsod, sanhi ng isang malalim na saksak sa dibdib.
Agad naaresto ang suspek na si Jennilyn Burlucio, 25, GRO, ka-live in ng biktima.
Batay sa ulat ni PO3 Renen Malonzo, may hawak ng kaso, dakong 4:15 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Salaysay ng 10-taon gulang anak ng mag-live in, kitang-kita niya habang ginugulpi ng kanyang ama ang kanyang inang si Burlucio hanggang pagpapaluin ng kaldero na puno ng kanin.
Dito umano nakakuha ng patalim si Burlucio at inundayan ng saksak ang biktima sa dibdib dahilan ng kanyang kamatayan.
Selos ang sinasabing dahilan ng madalas na pag-aaway ng mag-live in.
BEBOT PUMALAG SA HOLDAP BINARIL
KRITIKAL ang kalagayan ng isang bebot matapos barilin ng isa sa dalawang hindi nakilalang holdaper, makaraang tumangging ibigay ang kanyang mahalagang gamit, sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang kinilalang si Cristine Demiar, 22-anyos, walang trabaho, ng Phase 8-A, Package 14, Block 16, Lot 19, Brgy. 176, ng nasabing lungsod sanhi ng tama ng bala ng kalibre .38 sa katawan.
Batay sa ulat ni SPO1 Harold Solmayor, may hawak ng kaso, dakong 6:40 ng gabi sa tapat ng GOZZAP SuperMart sa Phase 1 ng nasabing barangay naganap ang insidente.
Sakay umano ang biktima ng pampasaherong jeep (PWW-698) papuntang Quezon City, nang sumakay ang dalawang suspek at pagtabi sa biktima ay agad nagdeklara ng holdap gamit ang dalawang kalibre .38 baril. Dito nagwala ang biktima na ikinagalit ng mga suspek at malapitang binaril si Demiar na malubha niyang ikinasugat kayag agad isinugod sa ospital.
ni rommel sales