NASA panig ng Jumbo Plastic at Hog’s Breath Cafe ang bentahe kontra magkahiwalay na kalaban sa quarterfinal round ng PBA D-League Aspirants cup mamayang hapon sa The Arena sa San Juan.
Makakatunggali ng Giants ang Blackwater Sports sa ganap na 2 pm samantalang magtutuos ang Razorbacks at Cagayan Valley sa ganap na 4 pm.
Kapwa nagtapos ng may 10-3 record sa elims ang Jumbo Plastic at Hog’s Breath Cafe para sa ikatlo’t ikaapat na puwesto. Bunga nito ay nagkamit sila ng twice-to-beat advantage sa quarerfinals.
Ang Cagayan Valley Rising Suns, na sumegunda sa torneong ito noong nakaraang season, ay nagposte ng 9-4 record para sa ikaapat na puwesto. Nagtabla naman ang Blackwater Sports at Cafe France sa ikaanim na puwesto sa record na 8-5. Nakamtan ng Elite ang huling quarterfinals berth sa pamamagitan ng mas mataas na quotient.
“We worked so hard to earn this advantage sa quarterfinals. Hindi namin dapat sayangin ito,” ani Jumbo Plastic coach Stevenson Tiu.
Tinalo ng Jumbo Plastic ang Blackwater Sports, 79-72 sa kanilang pagkikita noong Disyembre 1. Sa larong iyon, ang Giants ay pinamunuan ni Elliott Tan na gumawa ng 26 puntos. Nagdagdag ng 14 si Jan Colina at 13 si Harold Arboleda.
Kahit na nadedehado sila, sinabi ni Blackwater Sports coach Leo Isaac na kaya ng kanyang mga bata na makabawi upang magpatuloy ang pag-asang makapagsubi ng ikalawang sunod na kampeonato matapos na mamayagpag sa nakaraang Foundation Cup.
Ang Blackwater Sports ay sumasandig kina Kevin Ferrer, Gio Ciriacruz. Narciso Llagas at Jerico Cruz.
Ang Hog’s Breath Cafe, na hawak ni coach Caloy Garcia ay nanaig din kontra Cagayan Valley, 82-78 noong Nobyembre 14. Subalit sa larong iyon ay tumukod lang ang Rising Suns sa fourth period matapos na makalamang 63-54 sa katapusan ng third quarter.
Kaya naman naniniwala si Cagayan Valley coach Alvin Pua na puwede nilang mapuwersa sa sudden-death ang Hog’s Breath Cafe.
Si Pua ay aasa kina John Pinto, Andrain Celada, Prince Caperal at Celedonio Trollano.
Makakatapat nila sina Kevin Racal, Jonathan Belorio, Philip Paniamogan at Francis Allera.
Sabrina Pascua