Natuloy na ang paggiba sa mga estruktura ng Manila Seedling Bank Foundation sa kanto ng Quezon Avenue at Agham Road, Barangay Pag-asa, Quezon City.
Dakong 9:00 Lunes ng umaga, inumpisahang gibain ang mga gusali ng seedling bank matapos mapaso ang 20-araw palugit na ibinigay ng lokal na pamahalaan sa mga umuupa roon para mag-self demolish at lisanin ang lugar.
Karamihan sa mga umuupa sa lugar ang mga nagtitinda ng ornamental plants at nasa landscaping business.
Hindi naging bayolente ang demolisyon bagamat mabigat ang kalooban ng mga tenants na apektado.
Giit nila, ang Manila Seedling Bank mismo ang may utang sa pamahalaan dahil nagbabayad naman sila ng renta sa foundation.
Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang seedling bank Disyembre 2013, dahil sa hindi nabayarang P57 milyong buwis.