Monday , December 23 2024

Mga sabit sa P10-B pork barrel, ikulong

MALINAW pa sa sikat ng araw ang pagdedeklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong nakalipas na Dis-yembre.

Kung illegal ang PDAF, walang dapat na ma-realign o mailipat na tig-P200-M PDAF ng mga senador sa mga kursunada nilang proyekto, ahensiya at lugar.

Sabi mismo ni Pa-ngulong Aquino noong Agosto 2013 na pabor siya sa pagbuwag ng PDAF. Pero paano pinirmahan ang 2014 Gene-ral Appropriations Act (GAA) na kasama ang “realigned PDAF” ng mga mambabatas?

Kung “pork-less” ang pambansang budget ngayong taon, paano nangyari na naisingit pa rin ng mga mambabatas ang kani-kanilang pork barrel sa iba’t ibang probisyon ng 2014 GAA para ikubli ang kanilang PDAF?

Bakit malakas ang loob ni Jinggoy Estrada na ilaan ang kanyang P200-M  PDAF sa Maynila (P100-M) at tig-P50-M sa Caloocan City at Lla-lo, Cagayan?

Ginawa ito ni Estrada sa kabila nang posibi-lidad na ano mang oras ay isasampa ng Ombudsman ang kasong plunder laban sa kanila nina Sens. Juan Ponce-Enrile at Bong Revilla, ilang kongresista at opisyal ng pamahalaan kaugnay sa P10-B pork barrel scam.

Alam naman ng lahat na may kinakaharap na disqualification case ang alkalde ng Maynila na si ousted president at  convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na ama ni Jinggoy, si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ay taga-United Nationalist Alliance (UNA) at sa LlaLo, Cagayan itinatayo ang isang international airport bilang suporta sa Cagayan Special Economic Zone.

Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ibinulgar ni Sen. Miriam Defensor – Santiago na pagkakasangkot ni Enrile sa smuggling activities sa Port Irene na nasa loob ng Cagayan Special Economic Zone.

Ang diskarteng ito ni Estrada ay indikasyon na hindi siya natitinag sa pagnanasa ng taong bayan na papanagutin siya sa paglulustay sa kaban ng bayan at tulad ng kanyang ama ay kombinsido siya na wasto ang pandarambong at mag-abuso sa kapangyarihan.

Kaya’t naniniwala tayo na ang ikinubling P200-M PDAF ngayong 2014 ni Jinggoy ay ‘panggastos’ niya para ‘gapangin’ ang mga puwedeng magpasya na hindi siya makulong, hindi madiskuwalipika si Erap at ipambili ng bayarang makikisimpatiya sa kanilang mag-ama sa media at mamamayang nakalugmok sa kahirapan.

Kapag nanaig ang masamang plano at hindi naipakulong agad ng administrasyong Aquino ang P10-B pork barrel scam gang, at patuloy na mamayagpag ang isang convicted plunderer sa puwesto, hindi na masusugpo ang korupsiyon sa Pilipinas.

POLITICAL DYNASTY NG MGA BINAY

AT ESTRADA, PAREHO ANG ESTILO

LINGID sa kaalaman ng publiko, hindi lang ang mag-amang Estrada ang may kakaibang ‘kapal ng mukha’ pagdating sa pamumudmod ng PDAF sa kanilang kadugo.

Noon pang Hunyo 2012 ay iniulat na ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na ang P40-M ni Vice President Jejomar Binay noong 2011 ay ibinigay niya sa Makati City, na alkalde ang kanyang anak na si Jun-jun.

Maging si Makati City Rep. Abigail Binay ay ipinagkaloob rin ang P11-M ng kanyang PDAF sa mga proyekto ng nakababatang kapatid na ma-yor ng Makati City noong 2011.

Kaya nga matagal na nating sinasabi na ang pork barrel at political dynasty ay “intertwined’ o magkarugtong kaya pareho itong dapat labanan hanggang mabuwag.

Ang pork barrel kasi ang ipinantutustos ng mga politiko para manatili sa kapangyarihan ang kanilang lahi sa loob ng ilang dekada.

Ibig sabihin, kaya nagkukumahog na mangunyapit sa puwesto ang lahi ng mga politiko ay dahil itinuturing na maunlad na negosyo ng kanilang pamilya ang serbisyo-publiko.

Ang kayamanan at karangyaan bang tinatamasa ng mga Binay, mga Estrada at iba pang mula sa political dynasty bago sila pumasok sa politika ay kaya nilang ipaliwanag ng tama sa publiko?

Kaya nga ang kalaban ng pork barrel ay dapat na awtomatikong kaaway ng political dynasty kung may sinseridad ang adbokasiya ng sino man o ano mang grupo na tuldukan ang lahat ng uri ng kawalanghiyaan sa pamahalaan.

Alam kaya ng mga Binay at Estrada na naa-ayon sa moralidad, legal at lehitimo ang pagtanggi o paglaban na maluklok sa Palasyo ang isang mula na nga sa political dynasty ay mantsado pa ng kasong pandarambong ang pamilya?

MERALCO, IBALIK SA GOBYERNO

KUNG wala nang kakayahan ang Manila Electric Company (Meralco) at power generators na magkaloob ng maayos na supply at abot-kayang presyo ng kuryente sa milyun-milyon nitong consumers, dapat nang makialam ang gobyerno.

Ang babala ng Meralco na magaganap ang blackout kapag hindi napaboran ng Korte Suprema ang kanilang gustong ipatupad na bigtime power rate ay maituturing na “national emergency” kaya’t dapat nang kunin ng estado ang operasyon ng pagkakaloob ng kuryente sa mga mamamayan.

Nagawa na ito dati ni Pangulong Marcos noong dekada ’70 kaya nga walang umaangal sa mataas na singil sa kuryente.

Puwede rin namang kanselahin ng Kongreso ang prangkisa ng Meralco, at sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Aquino ay makontrol ng estado ang operasyon ng power utilities.

Ang kuwestiyon lang rito ay kung kaya ba ng administrasyong Aquino na saktan ang kalooban ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, ang may-ari ng Meralco at nakasungkit ng mga malalaking proyekto ng gobyerno?

Para sa reklamo, suhestiyon at  komentaryo tumawag o mag text  sa 09158227400 / Email: [email protected]

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *