PAGKATAPOS dominahin ni Marcos Maidana si Adrien Broner nitong nakaraang taon para masungkit ang WBA welterweight crown, nagkaroon ng usap-usapan na isusunod na ng bagong kampeon si Floyd Mayweather Jr.
Si Broner ay protégée ni Mayweather na ayon na rin sa huli ay ang lehitimo niyang tagapagmana sa trono ng paghahari sa boksing dahil na rin sa parehong-pareho sila ng istilo sa pakikipaglaban.
Matatandaang nagbigay ng pormal na hamon si Maidana kay Mayweather para sa kanilang paghaharap pero kamakailan lang ay tinanggihan ng tinaguriang “MONEY” ng boksing ang matinding hamon nito.
Sa halip ay nakatuon ang pansin ni Mayweather kay Amir Khan na posible nitong makalaban sa Mayo.
Samantala, inobligahan naman ng WBA si Maidana na magkaroon sila ng rematch ni Broner sa Abril dahil na rin sa “rematch clause” na nakapaloob sa kontrata nila sa una nilang paghaharap.
Maging si Sebastian Contursi, manager ni Maidana, ay desmayado sa kabiguan nila na makaharap si Mayweather.
Sa interbyu naman kay Mayweather ng FightHype, sinabi nito na isang “viable option” si Maidana pero dahil nga sa balitang humiling si Broner ng rematch, wala siyang option kungdi ang harapin si Khan.