INAMIN ni Senador Jinggoy Estrada kahapon ang ginawa niyang pag-realign sa bahagi ng kanyang P200 million Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa administrasyon ng kanyang ama na si Manila Mayor Joseph Estrada sa ilalim ng Local Government Support Fund.
Ayon sa senador, ang realignment ay isinagawa sa amendments sa ginanap na deliberasyon ng 2014 P2.268 trillion national budget sa Senado, at sumailalim sa lehislasyon.
“Basta ako I did not give it to Mayor Estrada, I gave it to the people of Manila,” diin ng senador.
Iginiit ni Estrada na ini-realign niya ang kanyang pork barrel sa Maynila dahil ng lungsod ay walang pondong maaaring gamitin para matulungan ang mahihirap.
“Kasi in the utilization of the financial assistance that I amended to be given to the city of Manila, I think it is expected to be transparent and open to public scrutiny. And the allocations that I amended in their favor are expected to benefit the whole sector or the masses as the city,” paliwanag pa ng senador.
Bukod sa Maynila, sinabi ni Estrada na nag-realign din siya ng bahagi ng kanyang pork barrel sa Caloocan City at Cagayan de Oro City sa ilalim ng Local Government Assistance Fund.
“Is there anything wrong? Sabi ko sa iyo, it is our duty, our power is to review, recommend and realign the budget because the power of the purse belong to Congress, and it was approved, it went through the legislative process. There was no insertion here,” aniya pa.
Samantala, umapela si Estrada sa Department of Budget and Management (DBM) na huwag i-impound ang alokasyon dahil inaprubahan aniya ng Kongreso ang realignment, niratipikahan ng dalawang kapulungan, at dapat na awtomatikong maipalabas.
“Well, sana huwag naman ma-impound dahil ang maapektuhan kasi yung mga taga Maynila, Caloocan at yung mga taga Cagayan, -tatlo yang binigyan ko eh, ang inamyendahan ko eh.”
“They are the ones in power I cannot do anything about it. Basta I’m appealing to them not to impound it dahil kung alam lang nila yung financial status ng local government ng Manila eh talagang baon na baon sa utang,” aniya pa.
Nauna rito, inihayag ng DBM na hindi lahat ng items sa 2014 national budget ay awtomatikong maipalalabas alinsunod sa General Appropriations Act of 2014, kundi selective release kabilang ang P200 million pork na ini-realigned ni Estrada sa LGUs.
“They are imputing malice on it. They’re imputing malice. Porke’t my father is the mayor of Manila bibigyan nila ng malice? Remember I did not give it to him. I gave it to the people of Manila. For them to benefit from my amendment, from my realignment,” giit pa ng senador.
9 SENADOR NAG-REALIGN NG PORK BARREL
SIYAM na senador ang nakialam kung saan ilalaan ang kanilang P200 million Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ngayong taon 2014.
Ito ay sa kabila ng deklarasyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang bork barrel ng mga senador at kongresista dahil ipinagbabawal sa mga mambabatas na makialam kung paano gastusin ang pera mula sa executive department.
Batay sa dokumento na mula sa tanggapan ni Senate finance committee chairman Sen. Chiz Escudero, kabilang sa nag-realign ng kanilang pork barrel ay ang mismong mga mambabatas na nasangkot sa multi-billion peso pork barrel scam na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon Revilla Jr.
Si Estrada ay inilaan ang pork barrel sa LGUs kabilang na sa lugar ng kanyang ama na si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nagkakahalaga ng P100 million.
Si Revilla naman ay inilaan ang kanyang PDAF sa DoH, DPWH, at SUCs o University of the Philippines System.
Kabilang din sa nag-realign ng kanilang PDAF ay si Sen. Antonio Trillanes IV na inilaan ang kanyang pork barrel sa PNP, Philippine Army, Philippine Navy, Office of the Secretary, TESDA at Commission on Higher Education.
Sina Sen. Ralph Recto, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Sen. JV Ejercito, Sen. Alan at Pia Cayetano ay inilaan ang kanilang P200 million PDAF sa Calamity fund.
Si Sen. Lito Lapid ay ibinahagi rin ang kanyang pork barrel sa DoH, DSWD, at DPWH.
Habang ang 15 senador na hindi na nakialam sa pork barrel ay sina Senate President Franklin Drilon, senators Sonny Angara, Bam Aquino, Nancy Binay, Juan Ponce Enrile, Escudero, TG Guingona, Gringo Honasan, Loren Legarda, Bongbong Marcos, Serge Osmena, Koko Pimentel, Grace Poe, Tito Sotto at Cynthia Villar.
Sa paliwanag ni Estrada, walang paglabag sa deklarasyon ng SC ang pag-realign ng pork barrel funds dahil ginawa ito sa kasagsagan ng budget deliberations ng Kongreso sa 2014 General Appropriations Act, na mga mambabatas na himayin ang panukalang pondo ng executive department kabilang ang pag-realign ng pondo.
(CYNTHIA MARTIN)