UMANI nang batikos ang hindi magandang sagot ni Kim Chiu sa veteran entertainment columnist na si Aster Amoyo sa presscon ng bagong pelikula nina Kim at Xian Lim recently.
Tinanong si Kim kung ano ang totoong estado ng relasyon nila ni Xian dahil nauumay na raw ang ibang press at laging bitin sa paligoy-ligoy at hindi diretsong sagot sa kanila.
Sundot pa ni Ms. Aster (ayon sa ulat ng PEP.ph), “We want an honest answer. Nasaang level na kayo ng inyong relasyon at kayo na ba, kung saka-sakali? We will respect kung ano ang sagot niyo.”
Sa aming pananaw bilang member ng media, fair na tanong ito at hindi naman bastos ang pagkakabato kay Kim para maging maangas ang sagot niya. Hindi nga inaasahan ng mga kapatid sa panulat ang sagot ni Kim na may halong angas nang sabihin niyang,”We don’t owe you any of our personal lives.”
In effect, sinasabi ni Kim na walang pakialam ang media sa pribado niyang buhay.
Agree naman ako na karapatan ni Kim na itago sa press ang kanyang pribadong buhay at walang puwedeng pumilit sa kanya kung ayaw niyang magsalita hinggil sa bagay na ito. Pero sa palagay ko, ang issue rito ay ang dapat sana ay ang pagbibigay ni Kim ng kahit kaunting respeto lang sa isang taga media!
Iyon lang ang hinihingi o ine-expect sa kanya ng mga kapatid sa hanapbuhay, kasama na kami, mahirap bang ibigay ni Kim iyon? Lalo’t sinasabi niya na malaki ang naitulong ng press sa kanyang showbiz career. So, plastikan lang ba ito? Kasi kung sincere ka na naa-appreciate mo talaga ang tulong ng entertainment media, hindi ka mambabastos dahil lang sa isang simpleng tanong.
Mali rin ang mga pahayag ni Kim sa Peparazzi section ng PEP.ph na napanood ko ang part ng interview ng Tsinitang aktres.
Tinanong siya kung nakulitan lang ba siya or something at ang sagot niya ay, “Hindi naman nakulitan, medyo lang… Siyempre tao din naman kami kahit artista kami or something, may nararamdaman din naman kami kapag nasisindakan kami or like, medyo iba na yung klase ng pagtatanong,
“Hindi ba, kahit kayo…? tanungin kayo, ‘Ano pangalan mo,’ sinagot mo na pangalan mo.. “Ano pangalan mo nga, ano pangalan mo… Ano pangalan mo?’
Ang layo naman ng paliwanag niya sa puntong ito. Wala naman kasing bobong writer ang magtatanong sa kanya nang paulit-ulit kung ano ang kanyang pangalan, except kung hindi maayos ang sagot niya o kung paiba-iba siya ng sagot. Pero, hindi naman nagbabago ang pangalan ng isang tao araw-araw o maya’t-maya, ‘di ba Kim? Pero ang relasyon ay puwedeng okay ngayon, pero mamaya ay hindi na okay. Puwedeng sila ngayon, mamaya lang ay break na sila, Puwede rin na hindi pa sila kahapon, pero ngayon ay sila na.
Ito dapat ang na-realize ni Kim bago siya nagtaray sa media.
Isa pang dapat tandaan ni Kim na trabaho ng press ang mangalap ng balita, kaya legitimate na tanong iyon at nasa kanya na kung sasagutin niya ito o hindi. Pero inuulit ko, sana ay sumagot si Kim o kahit na sino pang artista sa paraang maayos at hindi nakakabastos ng kanyang kapwa.
Anyway, sa bandang huli ng panayam ni Kim sa Peparazzi, sinabi pa ng Kapamilya actress na wala naman siyang masamang ibig sabihin sa sagot niya, “Yes, ine-explain ko lang po yung self ko. At saka wala naman pong nag-walk out at kung mayroon man, at kung may na-offend man, pasensiya na po…”
Sayang, mukhang maganda pa naman ang bagong pelikula nina Kim at Xian at siguradong yayayain ako ng dalawang anak kong panoorin ito. Pero, siguro naman ay hindi mate-turn-off ang ilang moviegoers sa hindi naging magandang asal na ito ni Kim.
Hopefully, magsilbing aral ito kay Kim na sa tuwina, ang respeto sa mga nakatatanda ay dapat laging isaalang-alang at tandaan din sana niya na hindi makakatulong sa kanyang career ang pagiging maangas, lalo’t kung maayos naman siyang pinakikitunguhan ng mga taga-media.
Nonie V. NIcasio