TUMALON mula sa 4th floor ng Hall of Justice ng Quezon City ang suspek sa hostage-taking na si Jerry Lo habang ini-inquest sa korte kahapon. (RAMON ESTABAYA/ALEX MENDOZA)
Tumalon mula ikaapat palapag ng Quezon City Hall of Justice ang naarestong suspek sa pangho-hostage ng kanyang mga kaanak sa Barangay Sta. Teresita sa naturang lungsod nitong Lunes.
Nakatakdang isalang sa inquest proceedings ang hostage taker na si Gerry Lo kahapon, nang bigla siyang tumalon na ikinabigla ng mga nakasaksi.
Bumagsak ang hostage-taker habang nakaposas, sa bubungan ng kantina na tumama sa babaeng tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) na si Elvira Guanzon na nananakit ngayon ang balakang.
Ani Assistant City Prosecutor Ramoncito Ocampo, walang malay si Lo na nakahiga sa stretcher sa emergency room ng East Avenue Medical Center (EAMC).
Aniya, natuloy ang inquest proceedings sa hostage taker sa loob mismo ng ospital na nahaharap sa mga kasong serious illegal detention, attempted homicide at frustrated parricide.
Matatandaang tatlo ang sugatan nang ini-hostage ng suspek ang kanyang mga kaanak noong Enero 6, kabilang ang ina at ampong sanggol ng kanyang kapatid.