KALIMITAN, magkasangga ang Barangay at Pulis sa pagpapatino ng isang komunidad.
Pero dito sa amin sa Barangay Lico, sakop ng District 2, iba ang nangyari noong Enero 2. Medyo naging ASTIG itong pulis na si Elmer Cruz.
Madaling araw nang gisingin ang inyong lingkod ni Kagawad Zaldy Vicencio dahil umano’y minura siya ng isang pulis na nagngangalang Elmer Cruz.
Ayon sa reklamo ni Kag. Zaldy, nasa stage siya ng pagmumuni-muni sa kalungkutan sa paglalamay sa namatay niyang anak nang makarinig siya ng komosyon. Kahit pa nga namatayan ng anak ay tumugon siya sa tungkulin.
Dinig niya na minura ng TARANTADO ang isa niyang anak ng Pulis kung kaya pumagitna siya. At nang magpakilala siya bilang kagawad ng Barangay ay siya naman ang binalingan ng mura ni Cruz.
Ayon sa blotter ng barangay 211 sa salaysay ni Kag. Zaldy, may hinahabol itong si Cruz na mga kabataan. At dahil nga sa hindi naman nakita ng anak ni Kag. Zaldy ang tinutukoy na kabataan ng pulis, siyempre negatibo ang naging sagot nito. Puwedeng iyon ang nagpainit ng ulo ng Parak.
Nang magpakilala si Kag. Zaldy na opisyal ng Barangay ay ganito raw ang naging sagot ni Cruz: GAGO PULIS AKO!
Ang maanghang naman na pagmumurang iyon ng pulis ang nagpainit ng ulo ni Kag. Zaldy kung kaya nagkaroon sila ng palitan ng maaanghang na salita.
Maraming tatayong testigo sa nangyari laban kay Cruz. At handa namang isampa ni Kag. Zaldy ang reklamo sa otoridad.
Kung hindi tayo nagkakamali, si Cruz ay nakadestino sa PS 7 sa Abad Santos. Aba’y minsan na tayong may pinunang isang Kapitan doon noong bago mag-election ng barangay dahil sa kabastusan. May kaalyado pa pala ang damuhong iyon sa kagaspangan ng ugali?
Tinatawagan natin ng pansin si Supt. Mariano. Alam kong hindi mo papayagan ang iyong mga kapulisan na magpakita ng kagaspangan sa inyong nasasakupan. Lalo na’t sa isang opisyal ng barangay.
Bigyan po ninyo ng aral ang nagkamaling pulis, sir!
Alex Cruz