Nagliyab ang isang JAM Liner bus habang binabagtas ang northbound lane ng South Luzon Expressway (SLEx) malapit sa Sta. Rosa exit sa Laguna.
Sa impormasyon mula sa Manila Toll Express System, walang nasaktan sa lahat ng mga pasahero, drayber at konduktor ng bus.
nagrehistro ang insidente sa closed circuit television (CCTV) camera na nasa labas ng bus nang sumiklab ang apoy.
Hindi naman matiyak sa ngayon ang bilang ng mga sakay ng bus dahil agad din nagsipagsakay sa mga dumaraang bus patungong Maynila.
Sa monitoring sa CCTV footage, unang nakitang umuusok ang bus dakong 10:10 ng umaga at makalipas ng ilang minuto ay nagliyab na ito.
Bago pa man tuluyang magliyab, nagawa pa ng drayber na igilid sa outer lane ang bus para makababa ang mga pasahero.
Agad namang rumesponde ang mga pamatay-sunog mula Sta. Rosa – BFP at naapula ang apoy dakong 11:00 ng umaga.
Iniimbestigahan na ng mga kawani ng Highway Patrol Group- Region 4A ang insidente.
VAN SUMALPOK SA TRAK SA NLEX 9 SUGATAN
Siyam ang nasugatan sa pagsalpok ng van sa isang trak sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEx) sa bahagi ng Camachile bago sumapit ng Balintawak.
Ayon kay Buboy Valles, tagapagsalita ng NLEx, dinala sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang mga biktima.
Dakong 4:00 ng madaling araw nang hindi mapansin ng drayber ng Nissan Urvan ang sinusundan nitong trailer truck dahilan upang tuluyang sumalpok ang van sa trak na may kargang buhangin sa bahagi ng Kilometer 11-Camachile.
Wasak ang kanang bahagi ng harapan ng van at sugatan ang siyam na sakay nito.
Nasa kustodiya na ng Caloocan City Traffic ang driver ng truck.
Agad ding naialis ang mga sasakyan sa lugar.
Tuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.