NAGSILBING bangungot sa industriya ng karera ang inilunsad na racing holiday ng tatlong tinaguriang Tri-Org dahil lamang sa 3% na trainer’s fund at ang pagkakatalo ni Hagdang Bato, ang nagsilbing pinakamalaking kaganapan ngayon taon 2013.
Nagsilbing malaking laban sa mga trainers ang pinoprotestang 3% trainer’s fund ng tatlong malalaking horse owners organization sa pangunguna ng Klub Don Juan Klub de Manila (KDJM), Metropolitan Association of Race Horse Owner (MARHO) at Philtobo na pilit na pinatatanggal sa Philippine Racing Commission (Philracom).
Tila nagkaroon ng kakampi ang trainer’s association, sa katauhan ni Commissioner Jesus B. Cantos, executive racing director ng Philracom matapos tanggihan nito ang kahilingan ng mga horse owner organization na alisin ang social fund ng mga trainers.
Ang 3% trainer’s fund ang pinanggagalingan ng mga trainers sa kanilang medical at education benefits ng mga miyembro ng asosasyon, dito rin nanggagaling ang retirement benefits ng mga miyembro.
Nagmistulang kontrabida sa mga horse owner organization ang Philracom sa katauhan nina Chairman Angel Castaño at Comm. Cantos, matapos ipaubaya sa husgado ang petisyon ng Tri-Org.
Nagkaroon pa ng takutan na maglulunsad ng racing holiday ang Tri-Org kapag hindi tinugunan ang kanilang kahilingan.
Naganap ang racing holiday, inamin ng komisyon na bumagal ang benta ng panahon na iyon, subalit hindi nagpalupig ang Philracom.
Dumating pa sa punto na parang bata na nagsumbong sa pangunguna ng KDJM sa tanggapan ni Pangulong Aquino, sa pagsasabing hindi natutugunan ng komisyon ang problema sa illegal na bookies na siyang dahilan ng pagbaba ng benta ng karera.
Ang naturang sumbong ay taliwas sa totoong isyu ng Tri-Org na alisan ng benipisyo ang mga trainers.
Nabigo ang Tri-Org, nanatili sa puwesto ang mga opisyal ng komisyon na nagsama-samang nilabanan ang makapangyarihang horse owner.
Sa pagtatapos ng taon higit na nagpagimbal sa karerista ang kontribersiyang pagkakatalo ng alaga ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, si Hagdang Bato sa nakaraang PCSO Presidential Gold Cup na ginanap noong Disyembre 1 sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona,Cavite.
Ang dahilan ay ang sirang starting gate matapos tamaan ang paa nito ng pintuan na kinasubsob ng kabayo at muntik na pagkakahulog ni Jockey Jonathan Hernandez.
Nanalo ang dehadong si Pugad Lawin at dumating lamang na pang-apat na puwesto ang super horse ni Mayor Abalos.
Pinaimbestigahan ni Mayor Abalos sa Philracom ang insidente upang malinis ang kanyang pangalan na napagbintangan na pinatalo si Hagdang Bato.
Sa imbestigasyon ay lumitaw ang katotohanan na palpak ang ginamit na starting gate, at napatunayan sa imbestigasyon na nagkulang ang management ng MJCI, ang tagapangasiwa ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sinuspende ang lahat ng miyembro ng board of stewards at pinagmulta ang karerahan ng P500,000.
Sa kabila ng pangyayari, hindi malamang humingi ng paumanhin sa publiko ang MJCI sa kanilang pagkakamali.
Sa pagpasok ng taon 2014 may isisilang na bagong kampeon sa nalalapit na Triple Crown championship, inaabangan ang paglipad ni Kid Molave.
Ni andy yabot