TAMA ang hula namin na ang My Little Bossings nina Vic Sotto, Kris Aquino, Bimby Aquino Yap, at Ryzza Mae Dizon ang mangunguna sa pagbubukas ng 39th Metro Manila Film Festivalnoong Kapaskuhan, December 25 sa mga sinehan.
Bukod kasi sa maraming follower sina Bossing Vic at Kris, marami ang naiintriga kung paano ba aarte ang bunsong anak ni Tetay. First time siyempreng mapapanood ito sa malaking telon. Sangkaterba rin ang mga tagahanga ni Ryzza Mae na curious din sa pag-arte ni Aleng Maliit.
At ayon sa report ng TV Patrol, 8:00 a.m. pa lang ay bukas na ang karamihang sinehan sa Metro Manila.
Sinabi naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nanguna sa unang araw ng festival ang My Little Bossings, na sinundan ng Girl, Boy, Bakla, Tomboy ni Vice Ganda. Pumangatlo naman ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, ang Pagpag: Siyam Na Buhay at pang-apat ang pelikula nina Eugene Domingo at Sam Milby, ang Kimmy Dora: Ang Kyemeng Prequel.
Idinagdag pa ng MMDA na mas mataas ng 12 percent ang kita sa opening day ngayong taon.
Pinipilahan din ang mga pelikulang Rated A ng Cinema Evaluation Board na 10,000 Hours na pinagbibidahan ni Robin Padilla at ang Shoot To Kill: Boy Golden nina Gov. ER Ejercito at KC Concepcion.
Mariciris Valdez Nicasio