ALAM KONG MAHAL AKO NG AKING ERPAT AT ERMAT IBA KASI ANG SOLONG ANAK
Speaking of ermat at erpat, para sa akin ay da best sila. Ramdam ko ang pagmamahal nila sa akin. Palibhasa’y solong anak, medyo na-spoiled nang konti. Sa abot ng kanilang makakaya ay ibinibigay nila ang lahat ng mga pangangailangan ko. Pinag-aral sa pribadong paaralan mula elementarya hanggang high school. Pinagkolehiyo sa Uste sa kursong Civill Engineering at pinag-boarding house sa Sampaloc area. Lagi akong ipinamimili ng mga bagong damit at gamit. At nakaugalian pa nilang pasobrahan ang ipinadadala sa akin na weekly allowance. Katwiran nila, para may madukot agad ako sa biglaang mga pangangailangan.
Ang pagkaalam ng dabarkads ko, si erpat ay isang professional at isang business woman si ermat. Mayroon naman kasing professional license ang erpat ko bilang jeepney driver sa aming bayan sa Naic. May international driver’s license pa nga dahil limang taon siyang nagmaneho ng cargo truck sa Saudi. Pag-uwi niya ay bumili siya ng sariling jeep na pampasahero. Ipi-nagpundar naman niya ang ermat ko ng sari-sari store sa silong ng aming bahay. Gumanda ang buhay namin sa pag-a-abroad ni erpat.
Dati’y nakakauwi pa ako sa amin tuwing Sabado ng gabi. Madaling araw ng Lunes naman ang biyahe ko sa pagbabalik ng Maynila. Nang magtagal, naging buwanan na lang. Idinahilan ko kina ermat at erpat na sunud-sunod ang pagbibigay ng quizzes at exams ng aming mga prof kaya nagku-concentrate ako sa pag-aaral. Pero ang totoo, mas malaki pang oras ang nauubos sa akin sa iba’t ibang aktibidad sa loob at labas ng campus.
Imbis dumiretso sa boarding house pagkatapos ng klase, naroon na agad ako sa isang coffee shop sa SM San Lazaro na paboritong hang-out ng mga babae at lalaking dabarkads ko, sabihin mang mahigit triple ang presyo ng kape roon kumpara sa ibang kapehan. Doon kami nagtsitsika-chikahan. Doon pinaplano ang aming lakad o happenings na pupuntahan. Doon bumabangka nang bumabangka sa kwentuhan ang ibig makapagyabang. Doon lumalabas ang matatalas na dila ng mga alaskador at alaskadora sa aming grupo.
Minsan, may guy na pumintas-pintas sa cellphone ng isang kasama namin sa umpukan. Ti-yak daw na tatanggihan ‘yun sa panghoholdap ng holdaper. Alam daw ng mga tirador ng cp ang nabili sa “morayta” (nabili nang mura) at nabili sa Greenhills Shopping Center ng San Juan o sa Glorietta Shopping Mall ng Makati. Noong isang araw ay ako naman ang napagdiskitahan. Galing pa raw sa Palawan ang mukhang mal-nourished na buwayang disenyo sa T-shirt ko. Pahiwatig na gawang-lokal ‘yun at ‘di-imported. Natulig ako sa lakas ng tawanan sa paligid. Asar-talo kaya nakitawa na rin lang ako.
Doon ko rin marahil nakuha ang malimit na pagkakaroon ng sipon at ubo sa smoking area ng coffee shop na tambayan ng aking dabar-kads.
(Itutuloy)
Rey Atalia