ANG pagbaril ni PO2 Jugiex Quinto sa kanyang kaibigan at kapwa pulis na si PO1 Anthony Alagde dahil umano sa “bukulan” sa pagbebenta ng iligal na droga ay patunay lamang na marami na talagang Pulis-Maynila na sangkot sa pagtutulak ng shabu!
Nangyari ang insidenteng ito sa loob ng isang KTV bar, sa Christmas party ng mga miembro ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID), sa may Herbosa St., Tondo bandang alas-4:00 ng madaling araw ng Sabado.
Si Alagde, 31-anyos, ay miyembro ng MPD-Special Operations Unit (SOU), habang si Quinto, 30, ay miembro ng MPD-DAID. Matalik daw silang magkaibigan.
Ayon sa kuwento ni Quinto, una siyang kinalawit ni Alagde, tinutukan daw siya ng baril sa leeg. Nakahulagpos lang daw siya at pumunta ng comfort room. Tapos binalikan niya ang kaibigan at pinutukan sa ulo. Patay!
Ang depensa pa ni Quinto, nagalit sa kanya ang kanyang kaibigan (Alagde) dahil inakala nito na binukulan ito sa pagpapabenta sa kanya ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000. Totoo aniyang pinatungan niya ng P1,000 sa kagustuhan din niyang kumita.
Ibig sabihin, kinukumpirma nitong si Quinto na sila ni Alagde ay nagtutulak talaga ng shabu!
Naalala ko pa, minsan nang may isinumbong sa akin na Alagde at Quinto na nagre-recycle ng mga huling droga. Ito na nga… sila sila na ang nagpatayan dahil sa bukulan!
Marami pa ang katulad nina Alagde at Quinto ang mga pulis na sangkot sa pagpapakalat ng shabu.
MPD Director C/Supt. Isagani Genabe, paganahin mo naman ang police counter intelligence mo, Sir! Andami nang tulak sa mga Pulis-Maynila! Hindi sila karapat-dapat maging miyembro ng noo’y ginagalang Manila’s Finest!
Tuloy parin ang korapsyon
sa Customs!
– Mr. Venancio, talamak parin ang korapsyon sa Bureau of Customs. Tulad nitong pagpalabas ng 40 footer na van ay P30K sa resibo, pero ang binayaran o singil ay P130K. Hindi po ito nababanggit. “SOP” (standard operating procedure) po yan. Lahat ng brokers at cargo forwarders alam ang kalakarang yan. Ang 100K ay sa Customs at 30K lang ang sa govt. Kaya agawan sa puwesto dyan. Dapat maimbestigahan din ito. – 09064473…
Totoo ito, Customs Chief Sunny Sevilla! Kaya paimbestigahan mo ito,Sir!
Customs Deputy Commissioner for Intelligence Ariel Nepomuceno, pare ko, mag-helmet ka na baka magkabukol-bukol na ang ulo mo dyan…
Pramis
ni Erap, nasaan na?
– Mr. Venancio, paki-parating lang po ito kay Mayor Erap. Wala pang natutupad sa mga pangako niya sa Manilenyo. Sabi niya nung panahon ng kampanya sa eleksyon, lahat ng utang ni Mayor Lim sa mga empleyado ng City Hall ay ibibigay niya. Ngayon, andami nang dahilan! Kesyo walang pera ang Maynila. Kawawa ang pasko ng pamilya namin ngayon. Gutom! Puro hulihan pa sa mga vendor, tapos maglalagay ng orange na tent na nagkakahalaga ng P150 to P450! Erap para sa mahirap… o Erap ang magbabaon sa hirap! – 09174663…
Mga igan, lagi ninyong tandaan: Ang mga trapong politiko kapag nangako, asahan ninyong ito’y mapapako. Mismo!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
joey Venancio