Nagbanta ng boykot sa Skyway ang pamunuan ng 25 metro bus companies, inihayag kahapon.
Ayon kay Homer Mercado, operator ng Worthy Bus, inimbitahan niya sa pulong ang mga kapwa-operator para ikasa ang boykot o hindi pagdaan sa Skyway simula Enero 2014 dahil sa mga naitalang aksidente roon.
Aniya, 25 ang pumayag at 10 pang kompanya ang posibleng madagdag kabilang ang isang bus line na pagmamay-ari rin ng operator ng Don Mariano Transit. Matatandaang isang unit ng Don Mariano ang nahulog sa Skyway nitong Lunes na ikinamatay ng 18 katao at ikinasugat ng 16 pa.
Sabi ni Mercado, tuloy ang boykot hangga’t hindi inaayos ang kalidad ng railings o harang sa Skyway. Bukod aniya sa Don Mariano bus, may ilang pribadong sasakyan na rin ang naaksidente sa Skyway.
Agad inilinaw na hindi nila ikinasa ang boycott para maghugas-kamay kundi para mapangalagaan ang mga pasahero.
Dagdag ng bus operator, nagbabayad sila ng toll kaya dapat matiyak na ligtas ang Skyway.
Sabi ni Mercado, malaki ang mawawala sa Skyway kung hindi na dadaan ang mga bus dahil ang kanilang hanay ang karaniwang bumabaybay roon.