NAGPAPAKITANG-GILAS ang mga batang atleta ng Philippine team matapos manaig sa nagaganap na 27th Southeast Asian Games sa Nay Pyi Taw, Mynamar.
Sumungkit ng gintong medalya sina Archand Christian Bagsit, Christopher Ulboc, Eric Cray at Jesson Ramil Cid para buhatin ang Pilipinas sa kampanya nila sa nasabing biennial meet.
Naikuwintas ni Bagsit ang gold sa men’s 400m run habang ang Filipino-American Cray na galing pang San Antonio, Texas ay kinopo ang titulo sa men’s 400m hurdles.
Impresibo naman ang pagkakapanalo nina Ulboc at Cid sa men’s 3000m steeplechase at decathlon ayon sa pagkakasunod.
Natutuwa naman ang isa sa senior statesmen squad, Rene Herrera sa performance ng kanyang bagong teammates na first time lumaban sa SEA Games.
“Ibang grupo na ng mga atletang ito,” wika ni Herrera. “Basta disiplina lang at focus sa ensayo at laro, malayo ang mararating nila. Malalakas at mababait naman ang mga iyan kaya lahat posible.”
Hinawakan ni 34-year-old Herrera ang titulo ng 10 taon sa steeplechase bago siya talunin ni Ulboc.
“Madami na akong nararamdaman,” sabi pa ni Herrera. “Kaya sinabi ko na kung hindi ko man kayanin, siya (Ulboc) ang dapat kumuha. Basta hindi dapat mawala sa Pilipinas ang ginto sa steeplechase.”
Ayon naman kay Ulboc malaking tulong si Herrera para makapaglaro ito sa SEAG at makuha nito ang ginto.
“Siya ang nagtuturo sa akin ng tamang diskarte. Hilaw pa ako nang pumasok ako sa national team pero nu’ng nakasama ko siya, tinuruan niya ako ng tamang diskaste at kung papano manalo sa international (tournament). Kaya kung kami man ang papalit sa kanila, tatanggapin namin iyun. Ipagpapatuloy namin ang kanilang mga nasimulan,” patungkol ni Ulboc sa beteranong si Herrera.
(ARABELA PRINCESS DAWA)