BUMUO ang Department of Justice (DoJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ng special task force na magsasagawa ng imbestigasyon laban sa sinasabing illegal at criminal activities na kinasasangkutan ni Sen. Juan Ponce-Enrile.
Ito’y kasunod ng pagbubunyag ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kanyang naging privilege speech sa Senado kamakailan.
Sa ilalim ng department order number 994 na nilagdaan ni DoJ Sec. Leila de Lima, itinalaga niya bilang chairman ng task force si Justice Undersec. Jose Justiniano kasama ang mga miyembrong sina Assistant State Prosecutor Niven Canlapan, Asst. State Prosecutor Nolibien Quiambao, State Counsel IV Adonis Sulit, State Counsel I Charles Romulus, at sina Atty. Jonathan Mengullo at Atty. Catherine Camposano, kapwa galing ng NBI-Anti Graft Division.
Kaugnay nito, inatasan ni De Lima ang grupo na imbestigahan ang sinasabing mga illegal na gawain ni Enrile lalo na ang sinasabing illegal importation o smuggling ng mga sasakyan sa Cagayan Special Economic Zone and Freeport.
Kabilang na rin ang usap-usapang pakikipagsabwatan ni Enrile kay Cagayan Economic Zone Authority Administrator Jose Mari-Ponce at James Kocher na manugang ng senador at nagpapatakbo raw ng automobile importing operation.
Hindi rin lusot sa imbestigasyon ang illegal gambling sa Cagayan Special Economic Zone and Freeport, ang illegal logging sa pamamagitan ng San Jose Lumber na nagpaso ang lisensya noong 2007, pagsusumite ng palsipikadong statement of assets, liabilities and networth (SALN) at ang iba pang mga kahalintulad na criminal offenses.
Pinahihintulutan din ang task force na mag-evaluate sa mga nakalap na ebidensya at magrekomenda sa legal actions at imbestigasyon ng anti money laundering council (AMLC).