BINOBOSOHAN NINA KIRAT ANG PALILIGO NI JASMIN SA SWIMMING POOL
Tatakam-takam ito habang himas-himas ng palad ang pagitan ng mga hita. Kaya pala naman ay naliligo roon si Jasmin na naka-swimming suit. Bakat na bakat ang katawan sa basang-basambasang kasuotan. Litaw na tuloy ang detalye ng mga maseselang bahagi ng pagiging isang babae.
Napitlag si Kirat nang maglabasan sa garahe ang anim na goons. Napangising-aso ito sa pagsenyas na huwag mag-ingay ang mga tauhan. Napatingin ang lahat sa iisang direksiyon. Pagkakita kay Jasmin na naglulunoy sa tubig ng pool ay halos magtuluan ang mga laway ng lahat sa pagtunganga. Nawalan ng kibo ang bawa’t isa. Tahimik na pinagpantasyahan ang kaakit-akit na asawa ni Apo Hakham.
Noon naman, mula sa lugar na kinatumbahang padapa ni Eman ay nagpilit siyang magpagulung-gulong hanggang sa makalapit kay Digoy. Wala pa ring kagalaw-galaw ang kanyang kaibigan sa pagkatihaya sa sementadong sahig. Idinaiti niya ang pisngi sa pisngi nito. Malamig na. Ni bahagyang pintig sa pipis na dibdib ay wala na. Patay na si Digoy!
Tahimik niyang tinangisan ang bangkay ng kaibigan. Pero anumang oras ay magbabalik doon ang mga berdugong sugo ni Satanas. Nag-isip siya ng paraan kung paano makakahulagpos sa pagkakagapos para makatakas.
Dinampot niya ang isang bahagi ng nagkabasag-basag na salamin sa mata ni Digoy. Hirap man sa pagkilos dahil sa pasalikod na pagkatali ng mga kamay ay walang puknat niyang ikinis-kis nang ikiniskis sa lubid ang matalim na bubog. Hindi niya pinansin ang pagsusugat-sugat at pagdurugo ng hinlalaki at hintuturo ng kanyang mga daliri. Kailangan niyang mabuhay upang maipaghiganti ang kamatayan ng kanyang mga kapamilya, nabuwis na buhay ng pinakamatalik na kaibigan, at alang-alang na rin sa aping uri na hangad niyang mapalaya sa pagkabusabos sa inaasahang pagsilang ng isang bagong panahon.
At sa wakas ay naputol ni Eman ang lubid na bumibigkis sa dalawang kamay niya.
Nang mga sandaling ‘yun, ang mga kopra na unti-unti nang nangabubulok sa bilaran ay sinalakay ng laksa-laksang bangaw. Sa napakalawak na bakuran ay mangilan-ngilan na lamang ang kawan-kawan noon na pagala-galang mga itik na malalakas ang pagkwak. Ang kokonti na rin ang mga manok sa pahabang hawla na panay ang pagsiyap at pagkakak. At nakatiwangwang ang iba pang mga gawain sa lupain ni Apo Hakham. Wala nang trabahador doon. Ang tanging naroroon ay si Tata Kanor at mga kapamilya na lamang nito na nagkukumahog sa pag-aalsa-balutan. Wala na kasi itong gamit sa pinaglilingkurang lupain bilang isang kapatas.
“W-Wala na akong tauhan… Marami kasi sa kanila ang nakumbinsi nina Eman at Digoy sa kanilang idelohiya,” himutok ni Tata Kanor sa pagsagot sa mga katanungan ng asawa at mga anak sa ura-uradang paglikas. “A-at tinangay pa ang lahat na pwede nilang mabitbit sa pag-alis. M-mahirap nang ako pa’ng masisi at mapagbuntunan ng galit ni Apo Hakham.”
(Itutuloy)
Rey Atalia