Ito ang naging punto at pahayag ng mga mamamahayag ng Radyo ng Bayan na nagsagawa ng kilos-protesta kahapon, sa harap ng Philippine Information Agency (PIA).
Ayon sa grupo, hindi totoo ang pinagsasabi noon ng Malacañang na ginawa nilang lahat ang kanilang magagawa para maiparating at makapaghanda ang mga mamamayan na tatamaan ng super typhoon Yolanda.
Bilang patunay, Nob. 6, 7 at 8, nasa Tagaytay ang 33 station managers ng Radyo ng Bayan, nasa mamahaling hotel para dumalo sa conference na ipinatawag ni director Tito Cruz, ng Philippine Broadcasting Service.
Anila, handang-handa ang field reporters ng Radyo ng Bayan ng araw na iyon pero hindi sila nakapag-cover bago pa manalasa si Yolanda, kahit na sa kasagsagan nang pagtama nito sa Samar at Leyte, hanggang sa matapos ang delubyo sa naturang mga lalawigan.
Banggit ng grupo, kaya hindi sila nakakilos ng mga araw na iyon, dahil absent ang lahat ng mga hepe, ng News Division at Public Affairs Division, wala lahat ng mga manager ng radyo maging si Dir. Cruz, lahat sila ay nasa komperensya.
Dahil dito, kasinungalingan ang iniyabang ni Sec. Sonny Coloma na lahat ng frontliner ng government agencies ay kanila nang nai-deploy bago pa man humagupit si Yolanda sa dahilang hindi mahagilap ang Radyo ng Bayan.
(JETHRO SINOCRUZ)