BERLIN – TARGET ni Vladimir Klitschko na maging kauna-unahang undisputed world heavyweight champion pagkatapos ng isang dekada. Asam niya ngayon ang WBC crown na binitawan ng kanyang kapatid na si Vitaly.
Sa kasalukuyang panahon ay dinomina ng magkapatid na Klitschko ang heavyweight division pero nagkaroon sila ng kasunduan na huwag magharap sa ring kung kaya nahati nila ang lahat ng belt ng boxing bodies.
“It is obviously my aim to bring the WBC title back into the Klitschko family,” pahayag sa Germany ’s Bild newspaper ni Vladimir Klitschko, na tangan ang WBO, WBA, IBF and IBO titles.
Kapag natangay pa ni Vladimir ang titulo ng WBC ay makukumpleto na ang lahat ng korona niya para tanghaling undisputed champion.
May layon din ang panalo niya na patahimikin ang lahat ng kanyang kritiko na nagsasabi na namimili lang silang magkapatid ng mga pipitsuging kalaban kung kaya namayagpag sila sa ring.
Nitong nakaraang Lunes ay binitawan ni Vitaly ang korona sa WBC para magkonsentra sa politika, pero pinangalanan siyang “champion emeritus.”