MAAARING masibak bilang hepe ng Manila Police District-Finance Department, matapos magpalabas ng isang memorandum na nag-aatas sa mga miyembro ng MPD nakatanggap ng P6,000 allowance kay Manila Mayor Joseph Estrada, para bumili ng commemorative plate na “MPD 113” sa halagang P2,000.
Sa panayam kay MPD Director C/Supt. Isagani Genabe, sinabi nito na “definitely ire-relieve” si PS/Insp. Reynaldo Agoncillo, dahil sa inisyu nitong memorandum.
Nabatid na ilang pulis Maynila ang nagpunta sa tanggapan ng MPD Press Corps para isumbong ang nabanggit na memorandum ni Agoncillo.
Kaugnay nito, sinabi ni Agoncillo na ini-recall na niya ang nabanggit na memorandum, kahapon din.
“Humihingi ako ng paumanhin, nagkamali ako, nagmamadali kasi ako kahapon, basta pinirmahan ko na lang iyon ng hindi ko binasa pagkatapos ay umalis na ako, e napa- Xerox na pala nila at nai-dessiminate na, pinatawag na nga ako ni DD, nag-sorry na ako, sinabi ko na hindi na mauulit ang nangyari,” ani Agoncillo.
Nalaman na muling gumawa ng commemorative plate ang MPD para sa nakatakdang anibersaryo sa Enero, 2014.
(leonard basilio)