Arestado ng Manila Police District (MPD), ang dalawang suspek na pinaniniwalaang miyembro ng “gun-for-hire” at nasa likod ng serye ng pagpatay sa mga ‘estapador’ na drug pusher at kakompetensya sa pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang Oplan Sita sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon .
Sa ulat, aminado ang suspek na si Danilo Cesista, 33, porter, ng Blk. 5, Port Area, Maynila, sa halagang P15,000 pataas, depende sa klase ng taong ipatitira, ang ibinabayad sa kanila kada ulo.
Ayon kay PC/Supt. Isagani Genabe, Jr., director ng MPD, kasamang naaresto ang back-up ni Cesista, si Ferdinand Aquino, 23, tricycle driver, ng 330 Gate 17, Parola Compound, Tondo, nang maaresto sila ni PSI John Guiagui, habang nagsasagawa ng Oplan Sita.
Nabatid na dakong 5:30 ng umaga nang masakote ang dalawang suspek na nakompiskahan ng dalawang .9 mm na baril, dalawang sachet ng shabu at 31 live ammunition at dalawang cellphone.
Nabatid na huling biktima ng mga suspek ang isang Ricky Quebral, 30, ng Gate 20, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Inaalam din ng pulisya kung ano ang kinaanibang grupo ni Cesista, dahil may nakakabit na sticker sa kanyang gamit na cellphone at baril.
(l. basilio)