NATIGALGAL SI EMAN NANG MAKITA ANG BANGKAY NI ONYOK SA GARAHE
Natunton niya sa isang sulok ng garahe ang pinagtapusan ng mga patak niyon. Naroon ang isinilid na duguang bangkay na litaw ang ulo. Si Onyok ! Lagas ang pang-itaas na mga ngipin, alsado sa magkabilang pisngi ang malalaking pasa, at butas ang noo sa tama ng punglo. Biktima ng maka-hayup na pamamaslang ang kaawa-awang binatilyo.
Natigagal si Eman. Pasigaw niyang nasambit sa pagkalunos ang pangalan ni Onyok. Pero maagap siyang tinapakan sa batok ni Kirat. Sa sulok ng kanyang mga mata ay naipinta niya ang anyo nito na isang humahalakhak na di-yablo.
“Tumahimik ka, gago,” bulyaw kay Eman ni Kirat na sumulyap pa muna sa isinakong bangkay ng binatilyo. “Gusto mo bang isunod na agad kita sa sipunin pa n’yong inakay?”
“Gusto raw munang makita nang harapan ‘yan ni Sir bago natin sintensyahan,” ngisi sa pag-entra ng kanang kamay ni Kirat.
Umangat sa batok ni Eman ang paa ni Kirat nang humakbang itong palapit sa tauhang may tangang two-way radio.
“Pupunta ba rito si Sir?” ani Kirat sa pag-uusisa.
“Oo. Pero tulog pa. Nasobrahan ‘ata sa ligaya,” tawa ng kausap ni Kirat. “Ikaw man ang magkaro’n ng pakner na ubod ng ganda, mabango at mala-labanos pa sa kaputian, ultimo singit ay t’yak na sisisirin mo.”
Napuno ng malulutong na halakhakan ang loob ng garahe.
“Magaling siguro si Jasmin kaya lumawit ang dila ni Sir sa sarap,” pagmumuwestra ni Kirat sa mga tauhan na parang hineteng nangangabayo.
Tawanan ulit ang lahat.
Sinalaula at ginawang katatawanan ng mga bayarang goons ni Apo Hakham ang pagkatao ng babaing kanyang pinakaiibig nang wagas. Kung wala siya sa sitwasyong nagagapos ang mga kamay ay baka naging marahas na siya nang mga sandaling ‘yun. Pero pakiwari niya ay sadyang ipinaririnig ng pangkat ni Kirat ang gayong kwentu-kwentuhan upang pasidhiin niyon ang kirot sa malalim na sugat sa kanyang buong katauhan.
“Sayang ang pindehong o-gag… Matotodas nang ‘di man lang natikman ang dati n’yang syota,” parunggit ni Kirat kay Eman.
“Anong oras kaya tayo sisiputin ni Sir? Nakabuburat ang matagal na paghihintay, a.” angal kay Kirat ng kaharapan nitong tauhan.
Apat na sachet na naglalaman ng tila dinurog na tawas ang dinukot ni Kirat sa bulsa ng suot na fatigue na jacket. Lumitaw tuloy ang naninilaw na mga ngipin ng kausap nito sa abot-tengang pagngisi.
“Pampakondisyon ‘yan sa mga tsonggong puyat,” tawa ni Kirat nang iabot ang mga sachet ng droga sa kausap.
“Solb tayo rito, mga bro…” pasigaw na naibrodkas ng kanang kamay ni Kirat sa mga kasamahang naghihintay din kay Apo Hakham.
Parang mga langgam na nakaamoy ng asukal na naglapitan sa kasamahang may hawak sa mga sachet ng droga ang anim na tauhan ni Kirat.
“O, parehas ang hatian,” ang sabi ng kanang kamay ni Kirat matapos mapasakamay ang apat na sachet ng droga. (Itutuloy)
Rey Atalia