MALASIQUI, Pangasinan – Tinatayang aabot sa mahigit P6-milyon halaga ng manok na broiler ang nalitson habang aabot sa mahigit P2 milyon halaga ng mga yero at tabla ang nasunog sa natupok na poultry na pag-aari ng isang dating kongresista sa bayang ito kahapon ng madaling araw.
Nabatid sa report ni Supt. Benjamin Ocomen, hepe ng pulis sa bayang ito, ang poultry farm ay pag-ari ni Atty. Eric Acuna, dating kongresista sa ikatlong distrito ng Pangasinan.
Sinabi ni Ocomen, ikinagulat ng mga caretaker sa poultry farm ni Acuna na biglang sumiklab ang apoy sa paligid at hindi nila alam kung sinadya ang pagsunog dahil pareho-pareho silang natutulog sa oras na iyon.
Paggising ng mga caretaker ay halos paubos na ang poultry at nasunog na ang mga manok na mahigit 2 linggo na nilang pinapakain.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing pumutok na electrical wiring ang sanhi ng sunog dahil depektibo na at wala na silang makita na ibang dahilan.
(JAIME AQUINO)