KAPAG hindi nagkaroon ng kaganapan ang labang Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. sa susunod na taon, ano ang magiging direksiyon ng boxing career ng dalawa?
Tingin natin, kapag patuloy na iniwasan ni Floyd si Pacquiao sa taong 2014, muling tataas ang inis sa kanya ng boxing fans. Aba’y ano pa nga ba ang gagawin niya sa ibabaw ng ring ngayong tinalo na niya ang lahat ng matatawag na kredibol na kalaban sa welterweight division?
Tingin ng mga eksperto sa boxing, obligado nang labanan ni Floyd si Pacquiao na matagal nang naghihintay na harapin niya. Dahil kung hindi at mamimili siya ng kalaban—tagilid na sumisid ang kanyang career. At kapag nangyari iyon ay bubulusok din ang papularidad niya sa pay-per-view.
Para naman kay Pacquiao, walang mawawala sa kanya at mananatiling mainit ang pagtanggap ng fans kahit na iwasan siya ni Floyd. Mahalaga kasi ang naging malaking panalo niya kontra kay Brandon Rios noong nakaraang buwan para makabalik sa limelight ng kasikatan.
At isa pa, hindi man magkaroon ng kaganapan ang laban nila ni Mayweather ay maraming interesanteng boksingero ang puwede niyang harapin na tiyak na kakagatin ng boxing world.
Alam naman natin na nariyan si Tim Bradley na tinalo si Pacquiao sa isang kontrobersiyal na desisyon. Mataas ang kuryusidad ng fans na muling magharap ang dalawa para patunayang yari lang ang pagkatalo ni Pacman kay Bradley.
Nariyan din si Juan Manuel Marquez na nagpatikim ng malagim na knockout kay Pacquiao sa 6th round sa paghaharap nila sa ikaapat na pagkakataon.
Pananaw ng boxing world na tiyamba lang ang knockout na iyon at ang muling paghaharap ng dalawa ang magpapalaya sa agam-agam ng fans.
Alex L. Cruz