Sugatan ang isang barangay kagawad at anak nito, matapos pagbabarilin sa Quezon City, Martes ng umaga.
Sa panayam, sinabi ng biktimang si Pedro Salazar, tatlong suspek ang umatake sa kanila sa kanto ng Dahlia at Azucena Street, Roxas District, malapit sa kanilang karinderya.
Aniya pa, ang mga suspek na riding-in-tandem at isa pang kasamahan na nakamotorsiklo ay mga naka-helmet.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 17 iba’t ibang basyo ng baril, 11 mula sa 9 mm pistol at 6 mula sa kalibre .45.
Mabilis na naisugod sa ospital ang kagawad at anak nitong babae na kapwa bahagyang nasugatan.
Sa ulat, matagal na umanong nakatatanggap ng banta sa kanyang buhay ang biktima.
Samantala, sugatan din ang isa sa mga suspek matapos makaganti si Salazar.
Inalarma na ng QCPD ang mga tauhan sa puting Yamaha Mio Soul na may plakang 5570 NO na sinakyan ng mga suspek palabas ng Scout Chuatoco.
Sisilipin din ng pulisya ang closed circuit television (CCTV) footage para malaman ang pagpasok at paglabas ng mga suspek.
Kwento pa ni Salazar, una nang binaril ang kanyang tahanan noong gabi ng Nobyembre 11, kung saan napatay ang isang barangay peace and security officer (BPSO).
Politika ang isa sa sinisilip na motibo ng awtoridad sa insidente.