E ano naman ang problema kung sa huling apat na games ng Petron Blaze ay nahirapan ang Boosters bago nalampasan ang mga nakalaban at nagwagi?
Ang mahalaga ay nanalo sila, hindi ba?
Marami kasi ang nagsasabi na tila pumupugak daw ang Petron at napag-aaralan na ng mga karibal kung paano silang tatalunin.
Hindi na raw kasi convincing ang mga panalo ng tropa ni coach Gelacio Abanilla III tulad ng unang tatlong games kung saan milya-milya ang inilamang nila.
Well, ganoon naman talaga kapag umpisa ng season. Maraming pagbabago, maraming pambulaga, hindi mabilis ang adjustments ng bawat isang team.
E, nagsimula ang Petron nang walang rookies so walang major adjustments.
Nagdagdag na lang sila ng isang rookie sa katauhan ni Samuel Marata nang magkaroon ng injuries sina Alex Cabagnot, Chris Ross at Chico Lanete.
Nagtamo din ng kapansanan sina Ronald Tubid, Yousef Taha at Chris Lutz.
Kaya naman nahilahod agad ang Boosters
Pero sa kabila nun ay naipagpatuloy nila ang pamamayagpag.
Ngayon ay sina Taha at Tubid na lang ang hindi nakapaglalaro.
Pero bakit daw kung kailan nakabalik na sa active duty ang ilang premyadong players ay ngayon pa pumupugak ang Boosters?
Siyempre, nag-aadjust ang mga ito sa mga manlalarong bumuhat sa team. Hindi naman kasi kaagad na makukuha nila ang rhythm.
Well, habang nananatiling malinis ang record ng Petron ay lalong bumibigat ang pasanin nila. Mabuti na ngang makaranas ng isa o dalawang pagkatalo habang maaga pa. Kaysa naman sa bandang dulo pa mangyari ang pagsadsad.
Pero siyempre, pipilitin ng Boosters na maipagpatuloy ang kanilang winning streak.
Ang maganda sa mga dikdikang larong napagdadaanan ng Petron ay ang pangyayaring tumatatag ang Boosters. Nalalaman nila kung paano maglaro sa endgame. Alam nila kung paano lalampasan ang krisis.
Kaya hindi nagrereklamo si Abanilla.
Sabrina Pascua