PARANG napakalalim ng bench ng Barangay Ginebra at dahil dito ay hindi na naibababad nang husto ang mga itinuturing na superstars.
Isang halimbawa na lamang ang laro ng Gin Kings kontra sa Barako Bull noong Biyernes kung saan tila pahapyaw na lamang ang playing time ng Most Valuable Player na si Mark Caguioa.
Maraming nakapuna na halos hindi na nagamit si Caguioa sa second half. pero wala namang nagrereklamo. Kasi nga’y dominado ng Gin Kings ang laro at nagwagi sila.
E, si Dylan Ababou nga ay sa fourth quarter na lang naipasok ni coach Renato Agustin. Puwede itong starter, hindi ba? Si Ababou ang nagbida sa kanilang unang panalo laban sa SanMig Coffee noong opening day.
Ang sigurado lang na babad nang husto ay ang mga higanteng sina Japhet Aguilar at Gregory Slaughter na siyang haligi ng koponan sa kasalukuyan.
Si Aguilar ang nagbida sa panalo ng Gin Kings kontra Talk N Text noong nakaraang linggo nang maipasok nito ang isang three-point shot sa huling segundo.
Si Slaughter naman ang bida noong Biyernes kontra Energy nang siya’y gumawa ng 15 puntos at humugot ng 15 rebounds.
Kapag nagpapahinga sina Aguilar at Slaughter ay ipinapasok ni Agustin sina Billy Mamaril at Jay-R Reyes. Nandiyan pa nga si Bran Faundo na hindi na halos naipapasok. Pagkatapos ay nariyan pa ang mga tulad nina Mac Baracael at Chris Ellis na napapakinabangan ng husto kung puntusan ang pag-uusapan.
E, mayroon pa silang James Forrester na tila hinahanapan pa ng puwesto kung kaya’t hindi rin nabibigyan ng mahabang exposure.
Aba’y wala ka ngang itatapon sa line-up ng Barangay Ginebra!
SAbrina Pascua