KATUWA naman ang pelikulang Pedro Calungsod, Batang Martir, official entry sa 39th Metro Manila Film Festival, dahil dalawa pala ang gaganaping premiere night nito. Gagawin ang dalawang premiere night sa Manila at Cebu City, ang sinasabing lugar na maaaring pinagmulan ng “roots” ni Pedro Calungsod, ang bagong santong Filipino.
Ang unang premiere night nito ay magaganap ngayong gabi, Disyembre 17, Martes, 7:00 p.m. sa SM Megamall Cinema 7 at ang ikalawa naman ay sa Disyembre 19, Huwebes, 7:00 p.m. sa SM City Cebu, Cinema 1.
Sa Manila premiere ay inaasahang dadalo at rarampa sa red carpet ang buong cast ng nasabing MMFF entry tulad ng main cast na sina Rocco Nacino (Pedro Calungsod), Christian Vazquez(Padre Diego de San Vitores), Robert Correa, Ryan Eigenman, at Jestoni Alarcon.
Darating din ang supporting actors na sina Victor Basa, Carlo Gonzalez, Miko Palanca, Arthur Solinap, Jao Mapa, Andrew Schimmer, Mercedes Cabral, Geoff Taylor, at iba pa.
Sa Cebu premiere naman ay darating sina Rocco at Christian upang magbigay kasiyahan din sa mga Cebuanong fans at devotees ni San Pedro Calungsod.
Ang Pedro Calungsod ay mula sa panulat at direksiyon ni Francis Villacorta na ang kuwento nito ay tungkol sa isang binatang Bisaya na katekista noong 1600, naging martir sa ngalan ng Kristiyanismo.
Makalipas ang 350 taon (noong 2012), na-canonize si Calungsod bilang ikalawang Santong Pinoy sa Vatican City, Rome, Italy, kasama ang iba pang santo mula sa buong mundo.
Magbubukas ang epic dramatic-adventure film na ito sa Araw ng Pasko sa mga sinehan sa buong kapuluan.
Maricirs Valdez Nicasio