PAGKATAPOS sumabog ang balitang nagwala ang KAPAMILYA star na si Anne Curtis sa isang bar at pinagsasampal ang kanyang mga kapwa artista, heto’t nagpanukala naman si Eat Bulaga host and Senator Tito Sotto na dapat ay isailalim sa DRUG TEST ang KAPAMILYA stars.
Okey. Wala naman sigurong problema. Sabi nga ni Vice Ganda, kahit siya ay pabor na isailalim sa ‘DRUG TEST’ ang mga artista dahil malapit nga sila sa TUKSO ng iba’t ibang uri ng BISYO.
Ayaw naman natin makialam sa usaping ‘yan dahil ang pagpapa-drug test lalo na kung hindi naman menor de edad ay dapat na boluntaryo.
Sa kalagayan ng mga artista na itinuturing na public figure, isang malaking usapin ang pagkahaling sa droga. Kaya kung mayroong magpopositibo magiging eskandalo ito para sa kanila.
Pero kung opinyon lang din ang pag-uusapan dapat na hindi lang KAPAMILYA stars. Dapat din na isailalim ang KAPUSO stars at mga stars sa iba pang network.
Hindi naman maikakaila na mayroong mga artista na matagal nang natitsismis na gumagamit ng droga.
At meron tayong alam na ILAN at hindi ‘yan maikakaila.
Sa aking palagay, imbes magturuan at tila magpasahan ng baho ang mga artista mas mabuti siguro na gumawa ng isang aktibidad ang mga senior stars para mailayo sa ganitong uri ng bisyo ang mga batang artista.
At mismong ang mga kompanya kung kanino nakakontrata ang mga artista ay nararapat na mag-promote ng mga activities na magpapatatag sa well-being ng kanilang mga star lalo na sa hanay ng mga kabataan.
Sa kultura ng ating mga artista, sila ay mas nahahaling sa bisyo kaysa sumasali sa mga organisasyon na magpapatatag at magpapaunlad ng kanilang sining.
Hindi ba dapat ay nag-o-offer ng ganitong programa ang ating gobyerno para sa ikahuhusay ng ating mga artista?
O Senator Sotto, dapat kapag nag-isip ka ‘yung pangkalahatan, hindi ‘yung parang nagdidiin ka pa ng mga kabaro mo.
‘E di ba nga, nagdaan rin kayo d’yan?!
QUIAPO VENDORS UMAALMA NA SA TENT VENDING SYSTEM NG MAYNILA
KINASUSUKLAMAN na ngayon ng mga pobreng vendors ang pamunuan ng Manila City hall dahil sa kung ano-anong mga test projects at programa para sa kanila ang ipinatutupad para palabasin lamang na Zero Kotong na ang mga nagpapapoging opisyal ng lungsod.
Kamakailan inumpisahan ng pamunuan ng Maynila ang pagtaTABOY sa mga maralita at pobreng vendors sa Quiapo Maynila upang ipasok ang programang kuwarta ‘este’ tent vending.
Nagwala ang mga antigong vendor at pati ang mga kapatid nating Muslim vendors sa Plaza Miranda upang ipakita ang kanilang pagtutol sa naturang TENT PROJECT.
Naispatan pa sa lugar ang isang olat na Konsehal na si talunang LECHE ‘este mali’ CHE BORROMEO na sinasabing big boss ngayon ng MANILA-DPS habang panay ang hitit-buga ng YOSI sa harap ng mga galit na vendors.
(By the way, ano ba talaga ang papel ni Borromeo d’yan sa DPS!?)
Kasama rin daw ni Leche ‘este’ Che si Alex M. na bagong hepe (na naman!?) raw ng Manila HAWKERS.
Ang nakapagatataka anila ay kung bakit hindi maideklara nina BORROMEO kasama ang TENT ORGANIZER kung magkano ba talaga ang magiging DANYOS o OBLIGASYON ng mga Quiapo vendors kapag pumayag sila sa TENT VENDING.
WALA raw matinong maisagot sa mga tanong ng vendors ang grupo nina BORROMEO at TENT ORGANIZERS.
Lalong uminit ang usapan nang mabatid ng Quiapo Muslim vendors sa CARRIEDO na may grupong BACLARAN ang nakaambang mag-okupa ng mga tent sa kanilang teritoryo!?
Mayroon na raw naging CASHunduan ang grupong Baclaran at Taguig para magtinda sa Quiapo sa pamamagitan ng TENT vending system.
Kaya’t ang nangyayari ngayon sa QUIAPO, Maynila ay tila walang TULUGAN ang mga vendor at walang UWIAN dahil sa mahigpit nilang pagbabantay sa kanilang pwesto sa takot na maSULOT ng mga DAYONG vendors.
Sigaw nga ng mga galit na vendors sa QUIAPO e agawin na n’yo asawa ko ‘wag lang ang pwesto ko!
Sonabagan!!!!
Mabuti na lang daw, mayroon isang OPISYAL ng MPD ang namagitan sa isyung ito na si MPD Deputy Dir. Sr/Supt. Gilbert Cruz kaya’t napahupa ang galit ng mga vendor dahil kung hindi baka anila dumanak ang dugo sa lugar na ‘yan.
Mayor Erap, it’s about time na ipakita mo na ikaw ang lider at nasusunod sa mga patakaran para sa vendors sa Maynila!
‘E parang hinalong-kalamay raw ang administrasyon mo Mr. Erap sa dami ng bumibida diyan sa City Hall!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com