UMAABOT sa P10 milyon halaga ng car accessories ang tinupok ng apoy sa isang bentahan ng mga piyesa ng sasakyan kahapon ng hapon, sa San Juan City.
Ayon kay Samuel Lioson, may-ari ng bentahan ng mga car accessories, nasa P10-milyon halaga ang tinupok ng apoy na hindi agad naagapan ng mga pamatay sunog na ideneklarang fire out dakong 3:25 ng hapon.
Ayon sa sekyu na si Reynaldo Moles, isang gawaan ng gulong sa ‘di kalayuan sa nasunog na gusali ay may naghihinang pero nagbara ‘yung pang-welding kaya sumabog at nilamon ng apoy ang mga katabing establisyemento na hindi kinayang patayin ng mga nagrespondeng bombero.
Nailigtas ng mga bombero sa tiyak na kamatayan ang kambal na babae, na nasa ikalawang palapag ng gusali.
Nabatid na ang may-ari ng nasunog na car accessories ay kagagaling lang sa Tacloban City kasama ng ilang grupong nagbibigay ng mga relief goods sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
(ED MORENO)