MALUGOD kong binabati ang mga opisyal at tauhan ng Binangonan Police Station sa Rizal sa pangunguna ni Chief Insp. Bartolome Marigondon dahil sa pagkakadakip sa pangunahing suspek sa panghoholdap sa mag-asawang Daniel “Cocoy” De Castro at maybahay na si Loida. Namatay matapos barilin si Cocoy ng isa sa mga alagad ni Satanas.
Sa kanyang report kay Calabarzon Region (PRO4-A) chief, Supt. Jesus Gatchalian, sinabi ni Marigondon na nasakote na ang sinasabing bumaril kay De Castro na si Noel Villaver, 26 taon gulang. Batang-bata. Batang-bata rin nalukuban ng masamang espirito ang tarantado.
Sangkatutak na pala ang kaso ni Villaver na residente ng Bgy. Kalayaan sa bayan ng Angono. Ang nakatutuwa rito ay nahuli si Villaver sa kasong drug pushing matapos mahuli ng Angono police ang dalawang addict na nagturo sa kanya.
May tatlo pang kasamahan umano si Villaver nang isagawa ang panghoholdap at pagpatay. Ipinagtanong ko na rin kung sigurado ngang si Villaver ang bumaril sa mag-asawang De Castro at sinasabi naman ng mga kamag-anak na kinilala nga ni Loida na nakaligtas sa pananambang.
Sa aking pakikipag-usap kay Major Marigondon, tiniyak ng opisyal na matibay ang ebidensiya laban kay Villaver at kasalukuyan silang nagsasagawa ng follow-up operations para sa iba pang kasamahan nito.
Matapos ang malagim na insidente, naging mas mahigpit na ngayon ang pulisya sa bayan ng Binangonan at mas visible na sila sa mga kalye. Kung kailan nga lang namataan natin silang nagka-conduct ng checkpoint sa lugar malapit sa pinagtambangan sa mag-asawang de Castro. Ito po kasi ay nasa bungad lamang ng Highway na nag-uugnay sa Angono at Binangonan kaya’t madaling nakapupuslit noon ang masasamang loob.
Sana nga sa pangunguna ni Major Marigondon ay tuluyan nang mawasak ang mga grupo ng masasamang loob doon. Sana rin ay tuluyan nang bumaba ang crime rate sa buong lalawigan ng Rizal.
Goodluck, sirs and ma’ams!
Joel M. Sy Egco