INIHAYAG ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na panahon na para isailalim sa pamunuan ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang Board of Stewards ng tatlong karerahan sa bansa upang maging patas sa kanilang tungkulin.
Ito ang nagbukas sa kaisipan ng alkalde matapos ang naganap kay Hagdang Bato at napatunayan na nagkaroon ng pagkukulang ang mga miyembro ng BOS makaraang mabigo ang Manila Jockey Club Inc.(MJCI) na ideklarang false start ang naganap na karera noong Disyembre 1 sa katatapos na Presidential Gold Cup sa San Lazaro Leisure Park.
Layun nito na mapangalagaan ang taya ng publiko at magkaroon ng pantay na paghahatol hindi para kampihan ang karerahan sa kabila ng pagkakamali.
Bagama’t hindi mabigat ang naging parusa sa Racing Manager at BOS ng San Lazaro Leisure Park, masaya na rin si Mayor Abalos sa ibinigay na sentensiya sa MJCI ng komisyon matapos pagmultahin ng P50,000 nang mapatunayan na tama ang kanyang ipinaglaban.
“Ang mahalaga dito ang prinsipyo na tama ang ipinaglaban mo, higit sa lahat nalinis ko ang pangalan ko sa hinalang ipinatalo ko si Hagdang Bato,” ani Abalos.
Ang BOS ay direktang sumusuweldo sa tatlong karerahan sa bansa na lubhang nagbibigay ng protection sa club hindi sa sa interes ng mga mananaya.
Si Hagdang Bato ay tinalo ni Pugad Lawin sa PSCO –Presidential Gold Cup na tumanggap ng P4-milyon premyo na pag-aari ni Konsehal Jun Ferrer.
Hanggang ngayon ay dumaraan pa sa rehabilitation si Hagdang Bato dahil sa pagkakaroon nito ng trauma sa aksidenteng naganap.
Ni andy yabot