SA ngalan ng patas na pamamamahayag, bibigyan natin ng pagkakataon si Barangay 210 Kagawad Anabelle “Madam” Catap na ihayag ang kanyang bersiyon ng pananampal at pananakal niya sa isang kasambahay noong Disyembre 8 dito sa ating kolum.
Ang isyu ng pananampal at pananakal ay inilabas natin dito sa kolum na Kurot Sundot noong Disyembre 11 dahil na rin sa sumbong ng isang kasambahay.
Nagsadya si Madam sa aming bahay noong Miyerkoles at ibinigay niya ang kanyang bersiyon sa nasabing insidente.
Inamin ni Kagawad Anabelle ang kanyang pananampal pero hindi raw niya sinakal ang kanyang kasambahay.
Ayon kay Madam, kaya raw niya nasampal ang kasambahay, dahil lumabis na raw ito at talagang napuno na siya nang husto.
Nagsimula ang kanilang sagutan nang hanapin niya sa kasambahay ang nawawalang sando/tshirt na pambata. Nang hindi nito mailabas ang nasabing kasuotan ay dito nagsimula ang kanilang salitaan.
Sa madaling salita, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
At sumagad na raw ang kanyang galit nang sabihin ng kasambahay na hindi siya ang magnanakaw kungdi si Madam.
Doon niya pinagbuhatan ng kamay ang kasambahay.
Ganoon lang ang buod ng kanyang kuwento. Ang iba, puro mga sidelights kung paano nagkaroon sila ng bungangaan. Kesyo madalas “daw” na umaalis itong si kasambahay na may dalang supot na hinihinala niyang mga damit na nawawala.
Pero ang pinakadulo ng istorya, sinaktan niya ang kasambahay.
At kung kaya sumagot itong kasambahay sa kanya na “hindi ako ang magnanakaw, kundi ikaw…” dahil hindi man kategorikal na pagbibintang, naroon ang insinuation. Dahil pagkatapos ng sampalan blues ay nagpunta agad sa PS 7 si Madam para ipa-blotter na ninakawan siya ng damit ng kasambahay.
O, hayan…madam, patas na ang istorya mo. Nailabas na natin ang side mo.
Alex Cruz