TINIYAK ni Top Rank promoter Bob Arum, inaayos na nila ang naiulat na kaso ni 8-division world champion Manny Pacquiao sa Internal Revenue Service ng US government.
Bagama’t tipid sa pagbibigay ng komento, sinabi ng promoter na “under control” na ang mga kinakaharap na tax case ng Filipino ring icon.
Una nang sinabi ni Pacquiao na bayad ang lahat ng Top Rank ang kanyang buwis sa mga kinita sa Amerika.
Batay sa ulat, sinasabing umaabot sa $18 million o nasa P720 milyon ang pagkakautang sa buwis ni Pacquiao sa Amerika mula taon 2006 hanggang 2010.
BIR CHIEF DUMISTANSYA SA US TAX ISSUE NI PACMAN
NAGING maingat si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares sa pagbibigay ng komento kaugnay sa panibagong eskandalong kinasasangkutan ni Manny Pacquiao sa Amerika hinggil sa $18.31 million utang sa buwis.
Ayon kay Henares, bahala na ang kinauukulan sa pag-imbestiga at pagsasampa ng kaso kay Pacquiao kung kinakailangan lalo na’t mahirap magkomento sa nasabing isyu dahil may umiiral na gag order ang korte hinggil sa tax evasion case na kinakaharap ng boksingero sa Filipinas.
(HNT)