INAMIN ng tserman ng PBA board of governors na si Ramon Segismundo ng Meralco na maraming mga tagahanga ng liga ang galit sa set-up ng Sports5 kung saan sa dalawang hiwalay na istasyon — TV5 at Aksyon TV 41 — pinapalabas ang mga laro.
Dahil dito, pinag-iisipan na ng PBA na muling ibalik ang laro sa IBC 13 ngunit ayon pa sa kanya, mahirap itong gawin.
Napilitan ang Sports5 na ilipat ang PBA sa TV5 at Aksyon TV dahil nalugi ito sa pagiging blocktimer sa IBC 13 dulot ng kulang sa commercial at mahinang signal ng huli dulot ng pagiging sequestered ng gobyerno.
Naunang sinabi ng pangulo at CEO ng TV5 na si Noel Lorenzana na nagbabalanse ngayon ang TV5 sa paglagay ng PBA sa primetime tuwing alas-8 ng gabi kapag Miyerkules at Biyernes.
Idinagdag ni Lorenzana na hindi puwedeng ipagpaliban ang ibang mga programa ng TV5 sa primetime kaya ibang oras ang inilagay sa PBA.
(James Ty III)