OPISYAL na ang pagiging miyembro ng gabinete at “rehab czar” ni dating Sen. Panfilo Lacson matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino ang appointment paper na nagtatalaga sa kanya bilang “Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery, with Cabinet rank.”
Pinirmahan din ng Pangulo ang Memorandum Order No. 62 na nagtatakda ng mga tungkulin ni Lacson at itinalaga rin niya na aayuda sa dating senador si Danilo Antonio bilang Undersecretary in the Office of the President.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., magsisilbi si Lacson bilang “over-all manager and coordinator of rehabilitation, recovery and reconstruction efforts of government departments, agencies and instrumentalities in the affected areas, including Samar, Leyte, Negros, Cebu, Bohol, Capiz, Aklan, Antique, Iloilo and Palawan where Typhoon Yolanda wrought widespread destruction, substantial damage, and death.”
Inatasan din siyang makipagtulungan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga miyembro nitong ahensya at komonsulta sa mga kaukulang lokal na pamahalaan sa pagbabalangkas ng mga plano at programa para sa rehabilitasyon, pagbangon at pagpapaunlad ng mga apektadong lugar, na kanyang isusumite kay Pangulong Aquino para aprubahan.
(ROSE NOVENARIO)
SIDEKICK SA REHAB, BATA NI LUCIO TAN
‘BATA’ ng negosyanteng si Lucio Tan ang magiging ‘sidekick’ ni rehab czar Panfilo Lacson.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Hermino Coloma, Jr., si Lacson ang mismong nagrekomenda kay Danilo Antonio para maging undersecretary niya sa bago niyang papel sa administrasyong Aquino bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery.
“Secretary Lacson himself recommended him,” sagot ni Coloma nang tanungin siya kung sino ang pumili kay Antonio.
Si Antonio ay dating chief operating officer ng Eton Properties Philippines, Inc., isang real estate company na kabilang sa Lucio Tan Group of Companies.