TINATAYANG 200 raliyista mula Timog Katagalugan ang sumugod at nagsagawa ng programa sa harapan ng bahay ni Pangulong Noynoy Aquino sa Times Street, West Triangle Homes, Quezon City.
Naging maaksyon ang pagdating ng mga militanteng sakay ng trak dahil napaatras ng grupo ang hanay ng mga pulis mula Station 2 matapos ang girian.
Itinumba rin ng grupo ang isang police outpost.
Giit ng mga demonstrador, wala silang ibang balak kundi magsagawa ng programa sa harap ng bahay ng mga Aquino bilang pag-obserba sa International Human Rights Day.
Bitbit nila ang effigy ni PNoy na tinawag na “Wrecking King,” mistulang tuta ni Uncle Sam. May isa pang malaking effigy ang Pangulo na “PNoy the Destroyer,” may mga kanyon.
Binantayan ng mga pulis ang mga militante habang nagsasagawa ng programa.
Nagtuloy sa Blumentritt ang grupo bago nagpu nta sa Mendiola para ituloy ang kilos-protesta.
Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng KARAPATAN, nakapagtala ang kanilang grupo ng 152 extra-judicial killings, 168 frustrated killings, 18 forced disappearances at 358 illegal arrest at detentions sa ilalim ng PNoy administration.
Sinisi ng grupo ang Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinasabing nangunguna sa paglabag sa karapatang pantao.