MAGPAPASKO na …katunayan ay 16 araw na lang.
Pero ewan ko ba naman kung bakit mayroon pa rin tayong mga kababayan na imbes paghandaan nang marangal ang pagdiriwang sa kaarawan ng nagbuwis ng buhay para sa kasalanan ng sanlibutan, si Jesus Christ, hayun sinasamantala nila ang pagkaabala ng taumbayan.
Tinutukoy natin mga nananamantala ay itong masasamang elemento – iba’t ibang sindikato, mapa-bigtime o small time.
Si Jan Sinocruz, reporter ng Remate at isa sa director ng Quezon City Police District Press Corps (QCPDPC), ay nabiktima ng mga sindikatong “laglag barya gang” na kumikilos sa lungsod partikular sa area of responsibility ng QCPD Station 9 o marahil ng PS 10.
Sumakay siya ng biyaheng Proj. 2 at 3 sa kanto ng EDSA at Kamias Road nitong Linggo (Disyembre 8) papuntang St. Joseph para doon sumakay papuntang Antipolo City naman.
Pagdating ng jeep sa kanto ng V. Luna at Kamias may limang lalaking sumakay.
Apat sa kanila ay sumakay sa loob habang ang isa ay sa harapan, kung saan nakaupo si Sinocruz.
Dahil sa kahinahinala ang kilos ng limang lalaki, minatyagan sila ni Sinocruz. Mamaya nang konti ay nabaling ang pansin ng mga pasahero sa loob ng jeep nang may mga baryang nalaglag (inilaglag) ng mga suspek. Maging ang katabi ni Sinocruz ay naglaglag din ng barya.
Hindi pinansin ni Sinocruz ang katabi niya at sa halip ay nakapokus siya sa nangyayari sa loob habang iyong katabi niya ay itinataas pa niya ang paa ni Sinocruz para kunin ang baryang inilaglag.
Pagdating sa kanto ng Anonas at Kamias (ilan metro lang ang layo sa PS 9) ay mabilis na nagsibabaan ang mga suspek at doon na rin nakita ni Sinocruz na wala na ang kanyang wallet at nakita na lamang niya sa upuan. Siguro iniwan na lamang ng suspek nang makitang walang laman. Kawawa naman si Sinocruz, walang-wala talaga. Malas ng nakatabi niyang suspek. He…he…he…
Pagdating sa Anonas Police Station ng jeep, bumaba si Sinocruz at ipinaalam ang nangyari. Inaasahan ni Sinocruz na reresponde agad ang PS 9 pero hindi pala.
Heto ang sinabi ng hunghang na pulis sa kanya. Inamin kay Sinocruz na mayroon ngang laglag-barya na kumikilos sa lugar at marami nang nagsusumbong sa estasyon. Iyon naman pala e ba’t wala kayong aksyon diyan sa Station 9 ha Supt. Roberto Fiestas, PS 9 chief?
O di kaya, ba’t di agad nirespondehan ang fresh incident. Ano ba ‘yan! Akala ko ba kakaiba ang QCPD ngayon.
Gen. Richard Albano, QCPD director, tila nakalimot na yata ang PS 9 na kakaiba ang QCPD ngayon. “QCPD Making a Difference?”
Heto pa ang sagot ng lespu kay Sinocruz, papaikutan na lamang daw nila ang lugar. Ngek!
Hoy responde agad ang kailangan. Ano hindi ba kayo well oriented kay Fiestas? Anak ng …pu…sa naman o.
Siguro ang mas maganda d’yan Gen. Albano to really make a difference ay sibakin mo na lamang ang hepe ng PS 9, mukhang nakalimot na kasi ang mga tauhan niya sa motto ng QCPD ngayon na making a difference.
Kunsabagay, infairness kay Fiestas baka naman hindi siya nagkulang sa mga tauhan niya pero, ano itong ipinakita ng mga bataan mo!
Responsibilidad mo pa rin iyan!
QCPD kakaiba ka nga!
Almar Danguilan