KAPWA pinapaboran ang Big Chill at Hog’s Breath Cafe kontra mga naghihingalong kalaban sa 2013-14 PBA D-League Aspirants Cup mamayang hapon sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.
Makakaharap ng Big Chill ang Arellano University/Air 21 sa ganap na 2 pm. Makakasagupa naman ng Hog’s Breath Cafe ang Derulo Accelero sa ganap na 4 pm.
Ang Hog’s Breath Cafe ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa torneo. Nakapagposte na sila ng anim na sunud-sunod na tagumpay.
Magkaganito man ay ayaw ni coach Caloy Garcia na magkompiyansa nang husto ang Razorback dahil alam niya na puwedeng magising ang Derulo Accelero at makapagbigay ng magandang laban.
Ang Oiler, na hawak ni coach Paolo Mendoza, ay may iisang panalo sa walong laro at ito ay kontra sa Arellano\Air 21 (82-75).
Sa tagumpay na iyon ay nagbida si Raul Soyud na nagtapos nang may double-double performance. Umaasa si Mendoza na si Soyud ay makakakuha ng magandang suporta sa kanyang mga kakampi.
Ang Hog’s Breath ay pinamumunuan ng mga Letran College players na sina Jonathan Belorio, Kevin Racal, Jamal Gabawan at Ford Ruaya.
Ang Big Chill ay nasa ikalawang puwesto sa record na 6-1 matapos na matalo sa defending champion NLEX Road Warriors.
Si Big Chill coach Robert Sison ay sumasandig sa mga ex-pros na sina Khasim Mirza at Jason Ballesteros.
(SABRINA PASCUA)