NAGULAT tayo at nalungkot sa masamang balitang ating natanggap.
PINASLANG ang PRIME WITNESS sa pagpatay kay Alab ng Mamamahayag (ALAM) leader Domingo “A1” Ramirez na si Elena Miranda nitong Sabado ng madaling araw.
Pinasok siya sa loob ng kanilang bahay at antimano ay pinaputukan sa mukha at sa leeg habang katabi sa pagtulog ang anak na babae.
Labis na paghihinagpis ngayon ang nararamdaman ng mga naulilang anak ni Elena.
Nitong Nobyembre (2013) lang kasi ay namatay ang asawa ni Elena. Kaya ibig sabihin, siya na lamang ang inaasahan ng kanyang mga anak na ang pinakabata ay 8-anyos para sa pagtataguyod ng kanilang kinabukasan.
Pero ngayong wala na si Elena dahil sa pamamaslang ng maiitim ang budhi, ano na ang mangyayari sa kanyang mga anak?!
Bukod sa pag-aalala natin sa kinabukasan ng anak ni Elena, nababagabag din tayo sa hindi na matapos-tapos na patayan d’yan sa BASECO Compound?!
Manila Police District director, C/Supt. Isagani Genabe, meron ba o wala kayong naiisip na paraan o estratehiya kung paano wawakasan ang walang habas na pamamaslang sa BASECO Compound?!
Wala ba kayong balak na magkaroon ng kampanya laban sa loose firearms?
Alam naman natin na ang lahat ng mga tirador d’yan sa BASECO ay nanghihiram lang ng TAPANG ng MUKHA at LAKAS ng LOOB sa ‘eskwalang pumuputok.’
Kaya kung magiging masinsin ang programa ng mga awtoridad laban sa ‘loose firearms’ t’yak na matutuldukan ang walang habas na patayan sa BASECO.
Hiling at hangad po natin na makamit nina A1, Ka Elena at iba pang biktima ng pamamaslang ang KATARUNGAN.
Anong masasabi mo Baseco Barangay Chairman KRISTO HISPANO!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com