PINAIIMBESTIGAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang iginawad na parole kay dating Batangas Gov. Antonio Leviste, dalawang araw matapos siyang makalaya sa New Bilibid Prison (NBP).
“I am not happy with the decision and I am having the whole matter investigated,” pahayag ng Pangulo na isinapubliko kahapon ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr.
Hinatulan ng hukuman ng anim hanggang 12 taon pagkabilanggo si Leviste noong Enero 2009 sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa kanyang aide na si Rafael delas Alas.
Tumanggi si Coloma na kompirmahin kung ipinabatid ni Justice Secretary Leila de Lima sa Pangulo ang pagpapalaya kay Leviste.
“There is a need for a deeper probe as to why they arrived at the decision,” aniya.
Nauna nang ipinagtanggol ni De Lima ang pagpapalaya kay Leviste sa katwirang nagpakita ng kagandahang asal ang dating gobernador habang nakapiit at napagsilbihan na niya ang minimum na sentensya sa kanya ng hukuman kaya kwalipikado siyang pagkalooban ng parole ng pamahalaan.
(ROSE NOVENARIO)