MATAPOS ang matagumpay na padyakan noong nakaraang Linggo ng isang Trial bikefest, na pumalit muna sa isang mas malaking padyakan, opisyal nang hahataw ang pinakaantay na “Pamaskong Padyakan sa Kyusi Circle” sa darating na Linggo, Disyembre 8.
Dahil sa dagsang kaganapang nangyayari sa paligid ng Quezon Memorial Circle, Elliptical Road, Lungsod Quezon tuwing weekend, naobliga ang mga punong-abalang sina Antonio “Loy” Cruz, pangulo/GM ng WESCOR Transformer Corp. Ronnie Emata Quezon Circle Bikers at Philip dela Cruz ng Holy Cross Cycling Club, na alpasan muna ang isang Trial Run bilang paghahanda sa tampok na kumpetisyong matutuloy na rin sa darating na Linggo.
Naging matagumpay naman ang Trial Race, na kung saan ang pambato ng Tatalon Cycling Club, na si Boy Cuntador, ang siyang nag-kampeon sa Masters A, kabuntot ang pumangalawang si Kiko Valenzuela, na ama ng sikat na siklistang si Irish Valenzuela.
Nakatanso naman si Bobet Baldomero, pumangapat si Rodolfo Casas at pang-lima si Percy Arcega sa kaganapang masayang pinamunuan nina Cruz, Emata at dela Cruz, na nagkaloob ng salaping gantimpala sa mga siklistang nagsipanalo.
Sa huling laban ng mga kasapi sa Masters B, Nangibabaw si Reynaldo Guevarra, kasunod sina Alfredo Rivera, Richard Aureda Joe Duenas at Gil Espiritu, upang mapasama sa mga kinilalang siklista.
Aabutin ng hanggang Disyembre 15 ang pagtatapos ng dalawang araw na padyakan, na may isang Exhibition Race para sa mga ehekutibong siklista, maglalaban din ang mga nasa Masters A (18-35-yrs.), Masters B (36-up) at ang pinakaaabangang Elite / Open Category.
Sasampa sa halagang P300,000 ang salaping gantimpalang ipamamahagi sa huling tatlong kategoryang mga nabanggit, samantalang mga pasadyang tropeo naman ang ipamamahagi sa mga mangingibabaw na ehekutibo, kasama ang bigay ni PNP chief Allan Purisima.
Upang makalahok at maging kaagapay sa hagibisang ito, makipagugnayan sa teleponong may bilang na 983-0178 at 0998-275663.
(HENRY T.VARGAS)