KINONDENA ng Palasyo kahapon ang naganap na suicide bombing sa Yemen na ikinamatay ng pitong Filipino at ikinasugat ng 11 kababayan natin kamakalawa.
Tiniyak ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr., na ang mga opisyal ng gobyerno ay nakikipagtulungan sa mga opisyal sa Yemen upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino sa naturang bansa.
Hinimok din ni Coloma ang pamahalaang Yemeni na papanagutin ang mga responsable sa walang saysay na karahasan.
Batay sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang pitong Filipino hospital workers ay kabilang sa 52 namatay at habang 11 iba pang kabababayan natin ang kasama sa 167 nasugatan, nang salpukin ng isang kotse na puno ng pampasabog ang gate ng Yemen defense ministry.
Ang mga biktima ay nagtatarabho sa isang pagamutan sa loob ng compound na labis na napinsala ng suicide bombing.
“The injured and survivors have been taken to a safe place. Names of those affected have been withheld until their families have been informed. The situation is now under control by Yemeni Security Forces,” nakasaad sa report ng DFA sa Palasyo.
ni ROSE NOVENARIO