AKALA natin ‘e ilang nasa management level lang ang salbahe sa empleyado ng Resorts Worst ‘este’ World Casino, pati pala doctor d’yan ‘e may dugong berdugo raw!?
Pumipilantik lang ang daliri at tumataas ang kilay pero daig pa sigurosi Hitler sa kalupitan.
Isang empleyado nila ang nagkaroon ng mga sintomas ng allergy sa mukha kaya hindi nakapasok nang halos tatlong araw.
Nagpa-check-up ang empleyado sa Manila Doctors Hospital dahil isa iyon sa mga accredited ng kompanya.
Binigyan siya ng medical certificate dahil tatlong araw nga siyang absent. Bukod d’yan inilagay din ng doctor na habang ginagamot niya ang naapektohan ng allergy, e huwag muna siyang magpa-assign sa smoking area.
Pero noong mag-report siya, isang araw ng Lunes, ganito ang tirada ng doctor … “Mag-resign ka na lang para huwag bumalik ang allergic sa mukha mo.”
‘E ‘di nagulat ‘yung empleyado. At sa pagkagulat niya ay naiyak siya dahil TAHASANG pambabastos ang ginawa ng doctor sa kanyang pasyente.
Ganoon ba ang tamang asal ng isang doctor? Napaka-unethical niya. Hindi ba’t malinaw na paglabag sa HIPPOCRATIC OATH ang asal na ‘yan Dr. GIOVANNI BALCRUZ?
Matagal na rin inirereklamo ang napakahinang exhaust fan d’yan sa Resorts World Casino. Ni wala rin air ionizer ang RW casino!
Sabi nga ng mga player kapag pumasok kang napakabango sa Casino, paglabas mo ay UMAALINGASAW NA BEHA ka na.
Kaya hindi na nakapagtataka na karamihan ng mga empleyado at player d’yan sa Resorts World Casino ay nagkakasakit.
‘E kung palpak na nga ‘yung place of work at palpak pa ‘yung doctor, ‘e ano na ngang mangyayari sa mga empleyado ng Resorts World?!
Ayon pa sa isang empleyado, minsang sumakit ang kanyang tiyan at nagpunta siya sa clinic, ang inireseta raw sa kanya ng doctor na masungit ‘e Vitamin C.
SONABAGAN!!!
Sandamakmak na ang UNFAIR LABOR PRACTICES (ULP) ng management tapos ‘yung doctor MALPRACTITIONER pa!
Paging Department of Labor and Employment! Paging Department of Health!
BIR DAPAT HABULIN SI LUDING JUETENG
IBANG kalase talaga magpayaman ang JUETENG.
Mula sa pagiging PASTOL ng BAKA sa isang baryo sa Quezon ay isa nang MULTI-MILYONARYO ngayon ang jueteng operator na si LUDING BOONGALING.
Nakatira na sa isang mansion sa Guadalupe, Makati City, maraming lupain, bahay, buildings at negosyo pati teng-we sa Candelaria, Quezon habang namamayagpag at lumalawak pa ang kanyang JUETENG sa La trinidad at sa BAGUIO CITY.
Ang pinakahuling balita, mabilis na rin gumagapang ang kanyang jueteng sa LA UNION.
Malayo na ang ‘swerteng’ inabot ni LUDING dahil sa kanyang JUETENG.
Isang “no-read no-write” na dating taga-PASTOL NG BAKA ngayon ay isang multi-milyonaryo na?!
Aba, BIR Commissioner KIM HENARES, mukhang mahina talaga ang INTELLIGENCE ninyo.
Maraming mga ‘MULTI-MILYONARYONG’ ilegalista/gambling lord ang nakaliligtas sa pagbabayad ng buwis kasi nga mukhang TUTULOG-TULOG ang BIR intelligence.
Magtrabaho kayo!
Kung hindi kayang papanagutin ng mga PULIS ang jueteng operator na gaya ni LUDING … dapat trabahuin na ng BIR ‘yan!
MIAA EMPLOYEES WALANG CHRISTMAS PARTY, PERO MAY PAMBILI NG MILYONG X’MAS DECOR
Mukhang sunod-sunod ang shopping spree ng MIAA ngayong magpa-Pasko.
Nitong nakaraang weekend ay gumastos daw ng tinatayang P4M ang pamunuan ng NAIA dahil sa pagpapasok ng ‘spirit of Christmas’ sa apat na passenger terminals.
Sabi ng taga-operation ay tumataginting na apat na milyon ang ginastos para sa mga palamuting nakikita ngayon sa NAIA. Hindi lang sigurado kung sa NAIA T1 lang ang nabanggit na halagang ginastos at puwera pa ang sa ibang international passenger terminals.
Tanong nga ng nakararaming MIAA personnel, bakit patuloy ang pagpapalabas ng pondo ng airport authorities?
Bakit ang budget nila para sa pangkalahatang Christmas party was donated to Yolanda victims in Tacloban ngunit ang malaking gastos sa Christmas décor ay itinuloy?”
Hindi hamak na mas malaki naman ang ginastos sa Christmas décor kompara sa Christmas party nila.
Oo nga naman. Me katwirang maghinagpis at magsikip ang dibdib ng MIAA employees.
Very Unfair nga naman …
ANO ANG AWTORIDAD NG SORIANO BROTHERS SA DIVISORIA VENDORS? (ATTENTION: YORME ERAP)ORAS na siguro para kastigohin ni Manila Yorme ERAP ang ilang tao na nakikialam sa palakad sa mga Vendors lalo sa Divisoria.
Para sa iyong kaalaman Mr. Erap, may ilang tao na inihahanap ka ng mga taong magagalit at minumura ka diyan sa Divisoria.
Inirereklamo ng mga agrabyadong naghihikahos na vendors ang umano’y mag-utol na SIRANO ‘este SORIANO na imbes ayusin ang sistema ng pagtitinda sa Divisoria ‘e pagpapahirap ang ginagawa sa kanila.
Base sa sumbong sa Bulabugin ng mga pobreng vendors sa lugar, si alias SPO-2-10 SORIANO umano ay may isang samahan (USVDAI) na ginagamit para gipitin ang mga vendor.
Ito rin daw si TATA SORIANO ang nagsasabing ise-CENTRALIZE ang koleksyon sa mga vendors para sa HAWKERS, DPS, City Hall, MPD HQ, PS-2 at PS-11.
Eto naman isang alias FERDER SORIANO, ang humahawak ng TANGGA at TARA ng mga vendor na nasa kalye RECTO paikot sa SOLER.
Ipinagyayabang pa raw na naghahatag sila ng P15k kada linggo para sa “assistance at clearing” ng MPD PS-11 na pinamumunuan ni Kernel Dorobo ‘este’ Doromal!?
By the way, Yorme Erap, isang utol ng SORIANO Brothers na si alyas JOJIE ay nahuli ng lente ng BITAG ni Ben Tulfo sa kanyang pananakot at pangongotong sa Divisoria vendors kamakailan lang.
ALAM rin kaya ni ERAP, na mayroong sariling PAY PARKING ng mga KARITON ng vendors si Tata JIMMY sa ilang sanga-sangang kalye sa gilid ng Recto?!
Gusto lang natin ITANONG kay Erap, ito bang Soriano brothers ay may basbas o permiso n’ya na magmando ng mga vendor sa Divisoria?
Aba’y kung wala Mr. Mayor, dapat mong kalusin agad ang mga taong ‘yan na lalong sumisira sa ‘yo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com