BINANATAN ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang media dahil sa pagsisiwalat nito ng mga kontrobersya kaugnay sa pamumudmod sa mga miyembro ng kongreso ng multi-milyong piso mula sa Disbursement Acceleration Fund.
Bagamat walang binanggit na pangalan ay nagpahaging si B.S. Aquino III sa kanyang pakikipagharap sa mga miyembro ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) na may conspiracy o sabwatan laban sa kanya. Imbes ang pagdiskitahan ay ‘yung ugat ng kontrobersya, ang sinita ni B.S. Aquino ay ‘yung tagadala ng balita…’yung mensahero ‘ika nga.
Ang totoo n’yan ay nabulgar lamang ‘yung DAP nang mag-privilege speech si Sen. Jinggoy Estrada. Hindi inimbento ng media ang istorya tungkol sa pamimigay ng pera mula sa DAP sa mga senador na bumoto para masibak sa poder si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa kanyang impeachment.
Hindi inimbento ng media ang isyu tungkol sa mga pekeng non-government organization na pinaglagakan ng pera ng bayan ng ilang mambabatas para umano maibulsa ito. Lahat ng isyu laban sa kasalukuyang administrasyong Aquino at mga alyado nito ay may basehan at hindi gawa-gawa lamang.
Ang hirap sa pangulo kapag binabanatan ang dati niyang titser na si Gloria Macapagal-Arroyo ay o.k. lang pero kapag siya na ang naibalita ay napipikon na. Iyan ba ang tuwid na daan na sinasabi ninyo? ‘Wag sana kayong pikon…ayusin ninyo ang kontrobersya nang walang masamang maiulat laban sa inyo.
* * *
May nakipag-ugnayan sa inyong lingkod kamakailan na ilang kasama natin sa hanapbuhay. Ayon sa kanila ay inuulan ng request ang isang vice mayor sa Kalakhang Maynila mula sa ilang reporter na kilala sa pakikipag-negosyo sa pamahalaan at talamak sa paggamit ng kapwa reporter.
Ginagamit ang suporta ng ilan sa mga kasamang kapos na kapos sa pananalapi, maya-maya raw ang punta ng mga reporter na ito sa tanggapan ni vice at humihingi ng kung ano-anong pabor kabilang na ang pag-aapruba ng mga kontrata para sa mga supplies na kanilang umano ay pagkakakitaan nang husto. Ganito rin daw ang raket ng grupo sa ibang tanggapan ng pamahalaan lalo na sa Lungsod Quezon.
Sabi ng mga lumapit sa atin ay hindi dapat bumigay ang vice mayor sa ganitong gimik. Walang magagawang mabuti para sa mamama-yan ng lungsod kapag pumayag siya sa kagustuhan ng grupong ito. Lalo lamang umanong hindi siya titigilan kapag nahatagan na niya ng biyaya at ilalaglag sa huli kapag wala nang pakinabang.
Hindi ko muna pinangalanan ang mga isinusumbong sa paniniwalang titigil na sila sa kanilang lisyang gawain. Nasa akin ang kopya ng ilan sa mga recording ng kanilang mga meeting na lihim na nai-record. Naniniwala ako sa kakayahan nilang magbago.
* * *
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon ugaliing makinig sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes alas nueve (9) hanggang alas diyes (10) ng gabi .
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores