SOBRANG focus si Mon Confiado sa bawat project na ibinibigay sa kanya. Lagi siyang dedicated sa trabaho, malaki man o maliit ang role na natotoka sa kanya.
Nakapanayam namin si Mon recently sa launching ng walong full-length films at sampung short films sa kauna-unahang CineFilipino Festival sa Resorts World Manila at nalaman namin kung gaano niya pinahahalagahan talaga ang kanyang propesyon bilang artista.
Although bukod sa pagiging actor ay isa rin siyang civil engineer, aminadon siyang laging excited kapag may project.”I’ve done 300 films, 20 years na’ko sa industriya. Mapa-TV, mapa-pelikula… Siguro sa TV, mga 700 plus ang appearances ko, iba-iba at pati sa teleserye.
“Wala pang isang araw o shooting na hindi ko siya in-enjoy o hindi ako naging excited kapag magtatrabaho na. Hanggang ngayon ‘pag may shooting ay natataranta ako,” nakangiting esplika niya.
Palagay ba niya ay isa siyang underrated na actor?
“Iyong pagiging underrated, hindi ko alam e, I don’t care e. Kahit underrated ako o kahit overrated, ang nasa puso ko lang kasi talaga ay umarte e.
“So, kunwari like ‘yung The Diplomat Hotel, nagpapayat ako ng 40 pounds, kinalbo ko ‘yung sarili ko, dalawang buwan akong kuba, sa personal life ko. Pati pagsalita ko e, mino-modulate ko palagi, mababa ang boses ko at ginagawa ko ito in real life para sa paghahanda ko sa role ko rito.
“So, hindi ko siya ginawa para magpapansin or what, ginawa ko lang ‘yung sa tingin ko’y nararapat doon sa character na naisip kong i-create. Ako kasi ang nag-create mismo ng character na ‘yun e, siyempre with the approval of my director (Christopher Ad Castillo),” seryosong dagdag pa ng aktor.
Pahabol pa ni Mon, “Pero ine-enjoy ko siya, I mean, hindi ko ginagawa ito para magpapansin, hindi ko siya ginagawa para manalo ng award, ‘di ko siya ginagawa para masabi na, ‘Hayop ‘tong artistang ‘to, ibang klase!’ Hindi ‘yun ang intention e, kasi, maraming beses ko namang ginagawa ‘yun. Nagsisimula pa lang ako, ginagawa ko na ‘yun e. Kung titignan mo ‘yung track record ng pag-aartista ko, kahit maliit na role ay ganoon ang ginagawa kong paghahanda.”
Nagpahayag din si Mon ng kagalakan dahil may entry siya sa tatlong indie film festivals. Sa Cinemalaya 2013 ay isa siya sa casts sa The Diplomat Hotel na pinangunahan ni Gretchen Barretto. Samantalang sa katatapos lang na Sineng Pambansa ay kasama naman siya sa Badil ni Direk Chito Roño. Last September 18 naman ay nagsimula na ang CineFilipino Festival at isa si Mon sa kasali sa pelikulang Mga Alaala ng Tag-Ulan na pinagbibidahan ninaMocha Uson, Akihiro Blanco, Lance Raymundo, at mula sa direksiyon ni Ato Bautista.
“Well, honored ako kasi lahat ng mga festivals kahit papaano ay mayroon akong pelikula na nasasamahan. Ano ‘yun, sign ‘yun na sa palagay ko nagagawa ko ng tama ‘yung assignment ko, So, sign ‘yun na tingin ko maganda ‘yung tinatahak ko as an actor,” aniya.
Ano ang masasabi niya sa Artista Academy alumnus na si Akihiro Blanco na gumaganap bilang anak niya sa Mga Alaala ng Tag-Ulan?
“Ang galing nitong batang ‘to. Actually, namangha kaming lahat. Kasi, first film niya ito. So, ang tinutukan namin talaga lahat, siya muna. Pero surprisingly, siya ‘yung pinakamagaling mag-deliver.
“Nagulat kami sa sensitivity niya as an actor, kasi mahirap ‘yung role niya e. Ayon nga sa kuwento niya kanina, ultimo mga personal niya, kasi, bale first kiss niya ito kahit in real life e.
“Doon naman sa side ko as his father, kasi ‘yung character ko-buong pelikula walang lines e. So, napaka-challenging dahil walang dialogue. Actually may isang maikling-maikli, ‘Sorry anak.’ ‘Yun lang sinabi ko, pero the rest wala na, puro emotions lang. Kasi ang laki ng problema nung family nila e.
“So, ano talaga, medyo challenging yung role ko rito,” diin pa ni Mon
Although nagbida na siya noon sa ilang pelikula tulad ng sa Pilantik na gumanap siya bilang bading na killer, naging lead star din siya sa Palitan, Kidnap, at Regalo. Ngayon ay may iba pang projects na magbibida ulit si Mon.”Naka-co-prod kami sa Hollywood producer at nirerepaso o sinasala lang ‘yung script. In a few weeks or sa mga darating na buwan magsisimula na ito.
“Ang title nito ay Bad Blood, action ito, drama action. Iyong isa pang movie na pang-international, ang title aySabine and kasama ko rito ay sina Bangs Garcia at saka si Gwen Garci.”
Nonie V. Nicasio