INIREKLAMO ng dating personal assistant na si Dessa Cadelario Patilan, 19, si Claudine Barretto, 34 dahil sa paglabag umano ng huli sa Article 308 ng Revised Penal Code of the Philippines o Theft (pagnanakaw).
Kung ating matatandaan, si Dessa ay P.A. ni Claudine na ipinakulong ng aktres noong Mayo ng taong ito dahil umano sa pagnanakaw ng kanyang mga alahas at mamahaling gamit na may kabuuang halaga na P8.5-M.
Sa limang pahinang sinumpaang salaysay ni Dessa Office of the City Prosecutor ng Marikina noong September 11, 2013, sinabi nitong ninakawan dumano siya ni Claudine ng kanyang mga gamit na may kabuuang halagang P13,550.
Ani Dessa, naganap daw ang pagnanakaw sa kanya nang puntahan siya ni Claudine sa kuwartong kanyang tinutulugan sa bahay ng aktres, sa Loyola Grand Villas, gabi ng Mayo 10, 2013. Kasama raw ni Claudine noong gabing iyon sina Michelle Baretto, Ma. Luisa Ponce Becher, PO3 Pelito Obligacion, PO3 Ibrahim Abdul, at PO1 Wilfredo Cahayag.
Ang pagpunta ng mga nabanggit sa kuwarto ni Dessa ay kaugnay ng reklamo ni Claudine na siya ay nagnakaw kaya naman inutusan daw siya ng mga pulis na ilabas ang kanyang mga gamit na siya namang ginawa niya.
Inilatag daw niya ang kanyang mga gamit sa isang mahabang mesa sa pool area ng bahay ng aktres at hinalughog ni Claudine at ng mga pulis ang kanyang mga gamit. Pinunit pa raw umano ang isang teddy bear na bigay daw sa kanya ng panganay na anak ni Claudine na si Sabina.
Sinabi pa ni Dessa, na kinuha rin umano ni Claudine ang nakakalat niyang wallet at kinuha ang ipon niyang pera na nagkakahalaga ng P10,700 mula sa suweldo niya bilang P.A. ng aktres.
Binigyan lamang daw siya ng P700 ni Claudine at saka sinabing, ”Ayan, panggastos mo.”
Pati raw ang electronic tablet ni Dessa na nagkakahalaga ng P3,000 ay kinuha umano ni Claudine. May laman din daw itong 4 gigabyte na memory card na nagkakahalaga naman ng P500. (HNT)