HANGA kami sa talino at galing magpatawa ni Tuesday Vargas. Sa ilang pagkakataong nakikita namin siya bilang hurado sa Talentadong Pinoy ng TV5 at sa ilang show na nagpapatawa siya, masasabi naming isa siya sa mga komedyanteng may aral at galing sa pagpapatawa.
Matagal na rin namang kinikilala si Tuesday bilang isa sa mga talentadong artista natin sa industriya kaya natuwa kami nang mabigyan siya ng pagkakataong makapagbida sa isang pelikula. Masasabing ngayon lang dumating ang pinakamalaking break sa kanya sa pamamagitan ng pelikulang Ang Turkey Man ay Pabo Rin, isa sa walong pelikulang kalahok sa CineFilipino na siya ang bida and title role.
Ayon sa manager niyang si Olive de Jesus, nang i-offer sa kanila ang pelikula, hindi pa man nakikita ni Tuesday ang script ay umokey na agad ang komedyana. Bukod nga naman sa siya ang lead role ay kasama pa ang movie sa kauna-unahang CineFilipino Film Festival spearheaded by PLDT-Smart Foundation, MediaQuest, Studio 5 and Unitel Entertainment.
Sa press launch ng CineFilipino Film Festival, natanong si Tuesday kung sinusundan ba niya ang yapak ni Eugene Domingo na bumongga rin nang husto ang career at nagmarka nang bonggang-bongga sa indie film sa pamamagitan ng Ang Babae Sa Septic Tank.
Ani Tuesday, isang malaking karangalan para sa kanya ang maikompara kay Uge.
“Marami rin kaming similarities sa galaw kasi parehas kami ng mundong ginalawan noong kolehiyo, mundo ng mga babaeng bakla, mga teatrong tao na nagsisigawan, ang ingay namin, ganoong buhay, masaya.
“So, kung ikokompara ako kay Ms Eugene Domingo, it would be an honor at susubukan ko na magkaroon din ako ng sariling marka at makilala ang pangalang Tuesday Vargas,” pahayag ng komedyana.
Sa pelikula ay ginagampanan ni Tuesday ang papel na Cookie na may karelasyong Amerikano, si Travis Kraft at iikot ang istorya sa pagsasama nila kasama na ang mga cultural differences, miscommunications at mga karaniwang problemang nararanasanan ng Fil-Am couple.
Kasama rin sa movie sina JM de Guzman at Julia Clarete mula sa direksiyon ni Randolph Longjas na siyang producer ng movie.
Ang Ang Turkey Man ay Pabo Rin ay may gala night sa September 19 sa Resorts World Manila, 6:15 p.m.. Mapapanood din ito on regular run sa Lucky Chinatown sa Binondo (Sept . 18, 20, 22, 24), Gateway Cinema (Sep.19, 21, 24), Resorts World Manila (Sept. 21, 23) at EDSA Shangrila (Sept. 22).
Maricris Valdez Nicasio