PINURI ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa anunsyong bawas-singil sa tubig.
“Ang aksyong ito ng MWSS ay isang tagumpay para sa mga residente ng Metro Manila na tahimik na pumapasan sa mataas na presyo ng tubig sa loob ng mahabang panahon,” ani Trillanes.
“Umaasa ako na ang MWSS ay patuloy na poprotekta sa karapatan ng mga konsyumer. Hinihikayat ko rin ang publiko na maging mapagmatyag sa mga mapang-abusong negosyante na nais lamang kumita at hindi iniisip ang kapakanan ng publiko,” ani Trillanes.
Sa kabila nito, nagbabala si Trillanes na itutuloy ang pag-iimbestiga sa Senado kung hindi agad ipatutupad ng Maynilad at Manila Water ang bawas-singil sa tubig.
Kamakailan ay nabuhay ang bangayang Trillanes-Enrile nang dahil sa isyu. Itinutulak ni Trillanes ang pag-iimbestiga sa umano’y pagpapasa ng ‘di makatwirang gastusin ng Manila Water Company, Inc., at Maynilad Water Services sa mga konsyumer, samantala si Senador Juan Ponce Enrile ay dumedepensa naman para sa mga nabanggit na water concessionaire.
“Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay sa ating punto na walang ibang nalulugi kundi ang ating mga kababayan sa sistemang ipinapatupad ng mga water concessionaire sa pagsingil. Hindi nila maaaring basta-basta ipasa ang kanilang income tax at iba pang mga gastusin sa mga konsyumer. Makaaasa kayo na patuloy nating babantayan ang mga isyu na tulad nito upang protektahan ang interes ng publiko,” diin ni Trillanes
(Niño Aclan)